I Am the Light of the World

John 8

12 Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan. 13 Sinabi nga sa kaniya ng mga Fariseo, Nagpapatotoo ka sa iyong sarili; hindi totoo ang patotoo mo. 14 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Bagama't ako'y nagpapatotoo sa akin din, ay totoo ang aking patotoo; sapagka't nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako paroroon; datapuwa't hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako paroroon. 15 Nagsisihatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kanino mang tao. 16 Oo, at kung ako'y humahatol, ang hatol ko'y totoo; sapagka't hindi ako nagiisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin. 17 Oo, at sa inyong kautusan ay nasusulat, na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18 Ako ang nagpapatotoo sa akin din, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo sa akin. 19 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Saan naroroon ang iyong Ama? Sumagot si Jesus, Hindi ninyo nakikilala ako, ni ang aking Ama: kung ako'y inyong makilala, ay makikilala rin ninyo ang aking Ama. 20 Sinalita niya ang mga salitang ito sa dakong kabang-yaman, nang nagtuturo siya sa templo: at walang taong humuli sa kaniya; sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras.

21 Muli ngang sinabi niya sa kanila, Yayaon ako, at ako'y inyong hahanapin, at mangamamatay kayo sa inyong kasalanan: sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon. 22 Sinabi nga ng mga Judio, Siya kaya'y magpapakamatay, sapagka't kaniyang sinabi, Sa aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon. 23 At sa kanila'y kaniyang sinabi, Kayo'y mga taga ibaba; ako'y taga itaas: kayo'y mga taga sanglibutang ito; ako'y hindi taga sanglibutang ito. 24 Sinabi ko nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. 25 Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Sino ka baga? Sinabi sa kanila ni Jesus, Siya rin na sinalita ko sa inyo mula pa nang una. 26 Mayroon akong maraming bagay na sasalitain at hahatulan tungkol sa inyo: gayon pa man ang nagsugo sa akin ay totoo; at ang mga bagay na sa kaniya'y aking narinig, ang mga ito ang sinasalita ko sa sanglibutan. 27 Hindi nila napagunawa na tungkol sa Ama ang kaniyang sinasalita sa kanila. 28 Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga ang Cristo, at wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama. 29 At ang nagsugo sa akin ay sumasa akin; hindi niya ako binayaang nagiisa; sapagka't ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa kaniya'y nakalulugod. 30 Samantalang sinasalita niya ang mga bagay na ito, ay maraming nagsisampalataya sa kaniya.

Next Book Next Book