46 Naparoon ngang muli siya sa Cana ng Galilea, na doo'y kaniyang pinapaging alak ang tubig. At naroroon ang isang mahal na tao, na ang kaniyang anak na lalake ay may-sakit sa Capernaum. 47 Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea na mula sa Judea, ay naparoon siya sa kaniya, at ipinamanhik sa kaniya na siya'y lumusong, at pagalingin ang kaniyang anak na lalake; sapagka't siya'y naghihingalo. 48 Sinabi nga sa kaniya ni Jesus, Malibang kayo'y mangakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, ay hindi kayo magsisipaniwala sa anomang paraan. 49 Ang mahal na tao ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang aking anak. 50 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Yumaon ka ng iyong lakad; buhay ang anak mo. Pinaniwalaan ng lalake ang salitang sinalita sa kaniya ni Jesus, at siya'y yumaon sa kaniyang lakad. 51 At samantalang siya'y lumulusong, ay sinalubong siya ng kaniyang mga alipin, na nangagsasabi, na ang kaniyang anak ay buhay. 52 Itinanong nga niya sa kanila ang oras nang siya'y pasimulan ng paggaling. Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Kahapon nang ikapitong oras inibsan siya ng lagnat. 53 Naunawa nga ng ama na sa oras na yaon nang sabihin sa kaniya ni Jesus, Buhay ang anak mo: at siya'y sumampalataya, at ang kaniyang buong sangbahayan. 54 Ito nga ang muling pangalawang tanda na ginawa ni Jesus, nang siya'y pumaroon sa Galilea na mula sa Judea.