39 At siya'y lumabas, at pumaroon, ayon sa kaniyang kaugalian, sa bundok ng mga Olivo; at nagsisunod naman sa kaniya ang mga alagad. 40 At nang siya'y dumating sa dakong yaon, ay sinabi niya sa kanila, Magsipanalangin kayo nang huwag kayong magsipasok sa tukso. 41 At siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang itsang bato; at siya'y nanikluhod at nanalangin, 42 Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo. 43 At napakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya. 44 At nang siya'y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa. 45 At nang magtindig siya sa kaniyang pananalangin, ay lumapit siya sa mga alagad, at naratnan silang nangatutulog dahil sa hapis, 46 At sinabi sa kanila, Bakit kayo nangatutulog? mangagbangon kayo at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso.