28 At nang masabi niyang gayon, ay nagpatuloy siya sa unahan, na umahon sa Jerusalem. 29 At nangyari, na nang siya'y malapit na sa Betfage at Betania, sa bundok na tinatawag na Olivo, ay sinugo niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad, 30 Na sinasabi, Magsiyaon kayo sa inyong lakad sa katapat na nayon; sa pagpasok ninyo roon, ay masusumpungan ninyo ang isang nakatali na batang asno, na hindi pa nasasakyan ng sinomang tao: kalagin ninyo siya, at dalhin ninyo siya rito. 31 At kung may sinomang tumanong sa inyo, Bakit ninyo kinakalag iyan? ganito ang inyong sasabihin, Kinakailangan siya ng Panginoon. 32 At nagsiparoon ang mga sugo at nasumpungan ng ayon sa sinabi niya sa kanila. 33 At nang kinakalag nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga mayari niyaon, Bakit kinakalag ninyo ang batang asno? 34 At sinabi nila, Kinakailangan siya ng Panginoon. 35 At dinala nila siya kay Jesus: at inilagay nila ang kanilang mga damit sa ibabaw ng batang asno, at isinakay nila si Jesus sa ibabaw noon. 36 At samantalang siya'y lumalakad, ay inilalatag nila ang kanilang mga damit sa daan. 37 At nang nalalapit siya sa libis ng bundok ng mga Olivo, ang buong karamihan ng mga alagad ay nangagpasimulang mangagkatuwa at mangagpuri sa Dios ng malakas na tinig dahil sa lahat ng mga gawang makapangyarihan na kanilang mangakita. 38 Na sinasabi, Mapalad ang Hari na pumaparito sa pangalan ng Panginoon: kapayapaan sa langit, at kaluwalhatian sa kataastaasan. 39 At ilan sa mga Fariseo na mula sa karamihan ay nangagsabi sa kaniya, Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad. 40 At sumagot siya at nagsabi, Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mangagsiimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw.