18 At tinanong siya ng isang pinuno, na sinasabi, Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng walang hanggang buhay? 19 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit mo ako tinatawag na mabuti? walang mabuti, kundi isa, ang Dios lamang. 20 Talastas mo ang mga utos, Huwag kang mangalunya, Huwag kang pumatay, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ina. 21 At sinabi niya, Ginanap ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata. 22 At nang marinig ito ni Jesus, ay sinabi niya sa kaniya, Isang bagay pa ang kulang sa iyo: ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin. 23 Datapuwa't nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y namanglaw na lubha; sapagka't siya'y totoong mayaman. 24 At sa pagmamasid sa kaniya ni Jesus ay sinabi, Pagkahiraphirap na makapasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan! 25 Sapagka't magaan pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Dios. 26 At sinabi ng mga nakarinig nito, Sino nga kaya ang makaliligtas? 27 Datapuwa't sinabi niya, Ang mga bagay na di mangyayari sa mga tao ay may pangyayari sa Dios. 28 At sinabi ni Pedro, Narito, iniwan namin ang aming sarili, at nagsisunod sa iyo. 29 At sinabi niya sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Dios, 30 Na di tatanggap ng makapupung higit sa panahong ito, at sa sanglibutang darating, ng walang hanggang buhay.