25 Nagsisama nga sa kaniya ang lubhang maraming tao; at siya'y lumingon at sa kanila'y sinabi, 26 Kung ang sinomang tao'y pumaparito sa akin, at hindi napopoot sa kaniyang sariling ama, at ina, at asawang babae, at mga anak, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kaniyang sariling buhay man, ay hindi siya maaaring maging alagad ko. 27 Sinomang hindi nagdadala ng kaniyang sariling krus, at sumusunod sa akin, ay hindi maaaring maging alagad ko. 28 Sapagka't alin sa inyo, ang kung ibig magtayo ng isang moog, ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol kung mayroong maipagtatapos? 29 Baka kung mailagay na niya ang patibayan, at hindi matapos, ang lahat ng mga makakita ay mangagpasimulang siya'y libakin, 30 Na sabihin, Nagpasimula ang taong ito na magtayo, at hindi nakayang tapusin. 31 O aling hari, na kung sasalubong sa pakikidigma sa ibang hari, ay hindi muna uupo at sasangguni kung makahaharap siya na may sangpung libo sa dumarating na laban sa kaniya na may dalawangpung libo? 32 O kung hindi, samantalang malayo pa ang isa, ay magsusugo siya ng isang sugo, at hihilingin ang mga kailangan sa pagkakasundo. 33 Kaya nga sinoman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad ko.