35 Bigkisan ninyo ang inyong mga baywang, at paningasan ang inyong mga ilawan; 36 At magsitulad kayo sa mga taong nangaghihintay sa kanilang panginoon kung siya'y bumalik na galing sa kasalan; upang kung siya'y dumating at tumuktok, pagdaka'y mabuksan nila siya. 37 Mapapalad yaong mga alipin na kung dumating ang panginoon ay maratnang nangagpupuyat: katotohanang sinasabi ko sa inyo na siya'y magbibigkis sa sarili, at sila'y pauupuin sa dulang, at lalapit at sila'y paglilingkuran niya. 38 At kung siya'y dumating sa ikalawang pagpupuyat, o sa ikatlo, at masumpungan sila sa gayon, ay mapapalad ang mga aliping yaon. 39 Datapuwa't talastasin ninyo ito na kung nalalaman lamang ng puno ng sangbahayan kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y magpupuyat, at hindi pababayaang sirain ang kaniyang bahay. 40 Kayo rin naman ay mangagsihanda: sapagka't sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.
41 At sinabi ni Pedro, Panginoon, sinasabi mo baga ang talinghagang ito sa amin, o sa lahat naman? 42 At sinabi ng Panginoon, Sino nga baga ang katiwalang tapat at matalino, na pagkakatiwalaan ng kaniyang panginoon ng kaniyang sangbahayan, upang sila'y bigyan ng kanilang bahagi na pagkain sa kapanahunan? 43 Mapalad ang aliping yaon, na kung dumating ang kaniyang panginoon ay maratnang gayon ang ginagawa niya. 44 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa kaniya'y ipagkakatiwala ang lahat niyang pag-aari. 45 Datapuwa't kung sabihin ng aliping yaon sa kaniyang puso, Maluluwatan ang pagdating ng aking panginoon; at magpasimulang bugbugin ang mga aliping lalake at ang mga aliping babae, at kumain at uminom, at maglasing; 46 Ang panginoon ng aliping yaon ay darating sa araw na di niya hinihintay, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya'y babaakin, at isasama ang kaniyang bahagi sa mga di tapat. 47 At yaong aliping nakaaalam ng kalooban ng kaniyang panginoon, at hindi naghanda, at hindi gumawa ng alinsunod sa kaniyang kalooban ay papaluin ng marami; 48 Datapuwa't ang hindi nakaaalam, at gumawa ng mga bagay na karapatdapat sa mga palo, ay papaluin ng kaunti. At sa sinomang binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kaniya: at sa sinomang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang hihingin sa kaniya.