Woes to the Pharisees and Lawyers

Luke 11

37 Samantala ngang siya'y nagsasalita, ay inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya: at siya'y pumasok, at naupo sa dulang. 38 At nang makita ito ng Fariseo, ay nagtaka na siya'y hindi muna naghugas bago mananghali. 39 At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Gayon nga kayong mga Fariseo na nililinis ninyo ang dakong labas ng saro at ng pinggan; datapuwa't ang loob ninyo'y puno ng panglulupig at kasamaan. 40 Kayong mga haling, di baga ang gumawa ng dakong labas ay siya ring gumawa ng dakong loob? 41 Datapuwa't ilimos ninyo ang mga bagay na nasa kalooban; at narito, ang lahat ng mga bagay ay malilinis sa inyo.

42 Datapuwa't sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, at ng ruda, at ng bawa't gugulayin, at pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pagibig ng Dios: datapuwa't dapat ngang gawin ninyo ang mga ito, at huwag pabayaan di ginagawa ang mga yaon. 43 Sa aba ninyong mga Fariseo! sapagka't inyong iniibig ang mga pangulong upuan sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan. 44 Sa aba ninyo! sapagka't kayo'y tulad sa mga libingang hindi nakikita, at di nalalaman ng mga taong nagsisilakad sa ibabaw nila.

45 At pagsagot ng isa sa mga tagapagtanggol ng kautusan, ay nagsabi sa kaniya, Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong pinupulaan. 46 At sinabi niya, Sa aba rin naman ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasang mahihirap dalhin, at hindi man lamang ninyo hinihipo ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasan. 47 Sa aba ninyo! sapagka't inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, at ang mga yao'y pinatay ng inyong mga magulang. 48 Kayo nga'y mga saksi at nagsisisangayon sa mga gawa ng inyong mga magulang: sapagka't pinatay ng mga ito ang mga yaon, at itinatayo ninyo ang kanilang mga libingan. 49 Kaya nga, sinasabi naman ng karunungan ng Dios, Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; at ilan sa kanila ay kanilang papatayin at paguusigin; 50 Upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta, na ibinubo buhat nang itatag ang sanglibutan; 51 Mula sa dugo ni Abel, hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuario: oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito. 52 Sa aba ninyong mga tagapagtanggol ng kautusan! sapagka't inalis ninyo ang susi ng karunungan: hindi kayo nagsipasok, at inyong sinasansala ang nagsisipasok.

53 At paglabas niya roon, ay nangagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na higpitang mainam siya, at akitin siyang magsalita ng maraming mga bagay; 54 Na siya'y inaabangan, upang makahuli sa kaniyang bibig ng anoman.

Next Book Next Book