25 At narito, ang isang tagapagtanggol ng kautusan ay nagtindig at siya'y tinutukso, na sinasabi, Guro, anong aking gagawin upang magmana ng walang hanggang buhay? 26 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang nasusulat sa kautusan? ano ang nababasa mo? 27 At pagsagot niya'y sinabi, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. 28 At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang sagot mo: gawin mo ito, at mabubuhay ka.
29 Datapuwa't siya, na ibig magaringganap sa kaniyang sarili, ay nagsabi kay Jesus, At sino ang aking kapuwa tao? 30 Sumagot si Jesus at sinabi, Isang tao'y bumababa sa Jerico na mula sa Jerusalem; at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kaniya'y sumamsam at sa kaniya'y humampas, at nagsialis na siya'y iniwang halos patay na. 31 At nagkataong bumababa sa daang yaon ang isang saserdote; at nang makita siya ay dumaan sa kabilang tabi. 32 At sa gayon ding paraan ang isang Levita naman, nang dumating siya sa dakong yaon, at makita siya, ay dumaan sa kabilang tabi. 33 Datapuwa't ang isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya: at nang siya'y makita niya, ay nagdalang habag, 34 At lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak; at siya'y isinakay sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya'y inalagaan. 35 At nang kinabukasa'y dumukot siya ng dalawang denario, at ibinigay sa katiwala ng bahay-tuluyan, at sinabi, Alagaan mo siya, at ang anomang magugol mong higit, ay aking pagbabayaran sa iyo pagbabalik ko. 36 Sino sa tatlong ito, sa akala mo, ang nagpakilalang kapuwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan? 37 At sinabi niya, Ang nagkaawanggawa sa kaniya. At sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.