1 Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay naghalal ng pitongpu pa, at sila'y sinugong daladalawa, sa unahan ng kaniyang mukha, sa bawa't bayan at dako na kaniyang paroroonan. 2 At sinabi niya sa kanila, Sa katotohana'y marami ang aanihin, datapuwa't kakaunti ang mga manggagawa: kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin. 3 Magsiyaon kayo sa iyong lakad; narito, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga lobo. 4 Huwag kayong magsipagdala ng supot ng salapi, ng supot man ng pagkain, ng mga pangyapak man; at huwag kayong magsibati kanino mang tao sa daan. 5 At sa alin mang bahay na inyong pasukin, ay sabihin ninyo muna, Kapayapaan nawa sa bahay na ito. 6 At kung mayroon doong anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaa'y mananatili sa kaniya: datapuwa't kung wala, ay babalik ito sa inyong muli. 7 At magsipanatili kayo sa bahay ding yaon, na kanin at inumin ninyo ang mga bagay na kanilang ibigay: sapagka't ang manggagawa ay marapat sa kaniyang kaupahan. Huwag kayong mangagpalipatlipat sa bahaybahay. 8 At sa alin mang bayan na iyong pasukin, at kayo'y kanilang tanggapin, ay kanin ninyo ang mga bagay na ihain sa inyo: 9 At pagalingin ninyo ang mga maysakit na nangaroon, at sabihin ninyo sa kanila, Lumapit na sa inyo ang kaharian ng Dios. 10 Datapuwa't sa alin mang bayan na inyong pasukin, at hindi kayo tanggapin, magsilabas kayo sa kanilang mga lansangan at inyong sabihin, 11 Pati ng alabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa, ay ipinapagpag namin laban sa inyo: gayon ma'y inyong talastasin ito, na lumapit na ang kaharian ng Dios. 12 Sinasabi ko sa inyo, Sa araw na yaon ay higit na mapagpapaumanhinan ang Sodoma kay sa bayang yaon.