Jesus Feeds the Five Thousand

Luke 9

10 At nang magsibalik ang mga apostol, ay isinaysay nila sa kaniya kung anong mga bagay ang kanilang ginawa. At sila'y isinama niya, at lumigpit na bukod sa isang bayan na tinatawag na Betsaida. 11 Datapuwa't nang maalaman ng mga karamihan ay nagsisunod sa kaniya: at sila'y tinanggap niyang may galak at sinasalita sa kanila ang tungkol sa kaharian ng Dios, at pinagagaling niya ang nangagkakailangang gamutin. 12 At nagpasimulang kumiling ang araw; at nagsilapit ang labingdalawa, at nangagsabi sa kaniya, Paalisin mo ang karamihan, upang sila'y magsiparoon sa mga nayon at sa mga lupaing nasa palibotlibot, at mangakapanuluyan, at mangakakuha ng pagkain: sapagka't tayo'y nangarito sa isang ilang na dako. 13 Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Bigyan ninyo sila ng makakain. At sinabi nila, Wala tayo kundi limang tinapay at dalawang isda; malibang kami'y magsiyaon at ibili ng pagkain ang lahat ng mga taong ito. 14 Sapagka't sila'y may limang libong lalake. At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Paupuin ninyo sila ng pulupulutong, na may tiglilimangpu bawa't isa. 15 At gayon ang ginawa nila, at pinaupo silang lahat. 16 At kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol; at ibinigay sa mga alagad upang ihain sa harap ng karamihan. 17 At sila'y nagsikain, at nangabusog ang lahat: at ang lumabis sa kanila na mga pinagputolputol ay pinulot na labingdalawang bakol.

Next Book Next Book