33 At sinabi nila sa kaniya, Ang mga alagad ni Juan ay nangagaayunong madalas, at nagsisigawa ng mga pagdaing; gayon din ang mga alagad ng mga Fariseo; datapuwa't ang mga iyo'y nagsisikain at nagsisiinom. 34 At sinabi ni Jesus sa kanila, Mangyayari bagang papagayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang kasintahang lalake ay kasama nila? 35 Datapuwa't darating ang mga araw; at pagka inalis sa kanila ang kasintahang lalake, kung magkagayo'y mangagaayuno sila sa mga araw na yaon. 36 At sinalita rin naman niya sa kanila ang isang talinghaga: Walang taong pumilas sa bagong damit at itinagpi sa damit na luma; sa ibang paraa'y sisirain ang bago, at sa luma naman ay hindi bagay ang tagping mula sa bago. 37 At walang taong nagsisilid ng alak na bago sa mga balat na luma; sa ibang paraa'y papuputukin ng alak na bago ang mga balat, at mabububo, masisira ang mga balat. 38 Kundi dapat isilid ang alak na bago sa mga bagong balat. 39 At walang taong nakainom ng alak na laon, ay iibig sa alak na bago; sapagka't sasabihin niya, Mabuti ang laon.