16 At siya'y napasa Nazaret na kaniyang nilakhan: at ayon sa kaniyang kaugalian, siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagtindig upang bumasa. 17 At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan,
18 Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi, 19 Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon.
20 At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya. 21 At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig. 22 At siya'y pinatotohanan ng lahat, at nangagtataka sa mga salita ng biyaya na lumalabas sa kaniyang bibig: at sinabi nila, Hindi baga ito ang anak ni Jose? 23 At sinabi niya sa kanila, Walang salang sasabihin ninyo sa akin itong talinghaga, Manggagamot, gamutin mo ang iyong sarili: ang anomang aming narinig na ginawa sa Capernaum, ay gawin mo naman dito sa iyong lupain. 24 At sinabi niya, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang propetang kinalulugdan sa kaniyang tinubuang lupa. 25 Datapuwa't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maraming mga baong babai sa Israel nang mga araw ni Elias, nang sarhan ang langit sa loob ng tatlong taon at anim na buwan, noong datnan ng malaking kagutom ang buong sangkalupaan; 26 At sa kanino man sa kanila ay hindi sinugo si Elias, kundi sa Sarepta sa lupa ng Sidon, sa isang babaing bao. 27 At maraming ketongin sa Israel nang panahon ni Eliseo na propeta; at sinoman sa kanila'y hindi nilinis, kundi lamang si Naaman na Siro. 28 At nangapuspos ng galit ang lahat ng nangasa sinagoga, sa pagkarinig nila ng mga bagay na ito; 29 At sila'y nagsitindig, at ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan at dinala siya hanggang sa ibabaw ng taluktok ng gulod na kinatatayuan ng kanilang bayan, upang siya'y maibulid nila ng patiwarik. 30 Datapuwa't pagdaraan niya sa gitna nila, ay yumaon ng kaniyang lakad.