22 At nang maganap na ang mga araw na kanilang paglilinis alinsunod sa kautusan ni Moises, ay kanilang dinala siya sa Jerusalem, upang iharap siya sa Panginoon 23 (Ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, Ang bawa't lalaking nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal sa Panginoon), 24 At upang maghandog ng hain alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, Dalawang batobato, o dalawang inakay ng kalapati. 25 At narito, may isang lalake sa Jerusalem, na nagngangalang Simeon; at ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan, na nag-aantay ng kaaliwan ng Israel: at sumasa kaniya ang Espiritu Santo. 26 At ipinahayag sa kaniya ng Espiritu Santo, na di niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon. 27 At siya'y napasa templo sa Espiritu: at nang ipasok sa templo ang sanggol na si Jesus ng kaniyang mga magulang, upang sa kaniya'y magawa nila ang nauukol alinsunod sa kaugalian ng kautusan, 28 Ay tinanggap nga niya siya sa kaniyang mga bisig, at pinuri ang Dios, at nagsabi,
29 Ngayo'y papanawin mo, Panginoon, ang iyong alipin, Ayon sa iyong salita, sa kapayapaan, 30 Sapagka't nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas, 31 Na iyong inihanda sa unahan ng mukha ng lahat ng mga tao; 32 Isang ilaw upang ipahayag sa mga Gentil, At ang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.
33 At ang kaniyang ama at ang kaniyang ina ay nagsisipanggilalas sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kaniya; 34 At sila'y pinagpala ni Simeon, at sinabi sa kaniyang inang si Maria, Narito, ito ay itinalaga sa ikararapa at sa ikatitindig ng marami sa Israel; at pinakatandang tudlaan ng pagsalangsang: 35 Oo at paglalampasanan ng isang tabak ang iyong sariling kaluluwa; upang mangahayag ang mga pagiisip ng maraming puso.
36 At naroroon din naman si Ana, na isang propetisa, anak na babae ni Fanuel, sa angkan ni Aser, (siya'y lubhang matanda na, at may pitong taong nakisama sa kaniyang asawa mula sa kaniyang kadalagahan, 37 At siya'y bao nang walongpu't apat na taon), na hindi humihiwalay sa templo, at sumasamba sa gabi at araw sa pamamagitan ng mga pagaayuno at mga pagdaing. 38 At pagdating niya sa oras ding yaon, siya'y nagpasalamat sa Dios, at nagsalita ng tungkol sa sanggol sa lahat ng nagsisipaghintay ng katubusan sa Jerusalem.