19 Iingatan ninyo ang aking mga palatuntunan. Huwag ninyong pagaasawahin ang dalawang hayop ninyong magkaiba; huwag kayong maghahasik sa inyong bukid ng dalawang magkaibang binhi; ni damit na hinabi na may magkahalong dalawang magkaibang kayo ay huwag kayong magsusuot.
20 At kung ang sinomang lalake ay sumiping sa isang babaing aliping may asawa, na hindi pa natutubos, o hindi pa man nabibigyan ng kalayaan; ay kapuwa parurusahan; hindi sila papatayin, sapagka't siya'y hindi laya. 21 At kaniyang dadalhin sa Panginoon ang kaniyang handog dahil sa pagkakasala, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, sa makatuwid baga'y isang tupang lalake na pinakahandog dahil sa pagkakasala: 22 At itutubos sa kaniya ng saserdote sa pamamagitan ng tupang handog dahil sa pagkakasala sa harap ng Panginoon, dahil sa kaniyang kasalanan niyang pinagkasalahan: at ipatatawad sa kaniya ang kasalanan niyang kaniyang pinagkasalahan.
23 At pagka kayo'y papasok sa lupain, at nakapagtanim na kayo ng sarisaring punong kahoy na pagkain, ay aariin ninyo ang bunga niyaon na parang hindi sa tuli: tatlong taong aariin ninyong parang hindi sa tuli; hindi kakanin. 24 Datapuwa't sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga niyaon ay magiging banal na pinaka papuri sa Panginoon. 25 At sa ikalimang taon ay kakain kayo ng bunga niyaon upang papagbungahin sa inyo: ako ang Panginoon ninyong Dios.
26 Huwag kayong kakain ng anomang may dugo: ni huwag kayong mag-eenkanto ni magpapamahiin. 27 Huwag ninyong gugupitin ng pabilog ang mga buhok sa palibot ng inyong ulo, ni huwag mong sisirain ang mga dulo ng iyong balbas. 28 Huwag ninyong kukudlitan ang inyong laman dahil sa namatay: ni huwag ninyong lilimbagan ang inyong laman ng anomang tanda; ako ang Panginoon.
29 Huwag mong hahamakin ang iyong anak na babae, na siya'y iyong pagmamasamaing babae: baka ang lupain ay malugmok sa pakikiapid, at mapuno ang lupain ng kasamaan. 30 Ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath, at igagalang ninyo ang aking santuario: ako ang Panginoon.
31 Huwag ninyong babalikan ang mga inaalihan ng masasamang espiritu ni ang mga mangkukulam: huwag ninyong hanapin na magpakahawa sa kanila: ako ang Panginoon ninyong Dios.
32 Titindig kayo sa harap ng may uban at igagalang ninyo ang mukha ng matanda, at katatakutan ninyo ang inyong Dios: ako ang Panginoon.
33 At kung ang isang taga ibang bayan ay nakikipamayan na kasama ninyo sa inyong lupain, ay huwag ninyong gagawan ng masama. 34 Ang taga ibang bayan na nakikipamayan na kasama ninyo, ay inyong aariing tubo sa lupain, at iibigin ninyo na gaya ng sa inyong sarili; sapagka't naging taga ibang bayan kayo sa lupain ng Egipto: ako ang Panginoon ninyong Dios.
35 Huwag kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol, sa pagsukat, sa pagtimbang, o sa pagtakal. 36 Timbangang matuwid, panimbang na matuwid, epa na matuwid at hin na matuwid ang aariin ninyo: ako ang Panginoon ninyong Dios na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto. 37 At inyong iingatan ang lahat ng aking palatuntunan, at ang lahat ng aking kahatulan, at inyong isasagawa: ako ang Panginoon.