12 At nang unang araw ng mga tinapay na walang lebadura, nang kanilang inihahain ang kordero ng paskua, ay sinabi sa kaniya, ng kaniyang mga alagad, Saan mo ibig kaming magsiparoon at ipaghanda ka upang makakain ng kordero ng paskua? 13 At sinugo ang dalawa sa kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo sa bayan, at doo'y masasalubong ninyo ang isang lalake na may dalang isang bangang tubig: sundan ninyo siya; 14 At saan man siya pumasok, ay sabihin ninyo sa puno ng sangbahayan, Sinasabi ng Guro, Saan naroon ang aking tuluyan, na makakanan ko ng kordero ng paskua na kasalo ng aking mga alagad? 15 At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nagagayakan at handa na: at ipaghanda ninyo roon tayo. 16 At nagsiyaon ang mga alagad, at nagsipasok sa bayan, at nasumpungan ang ayon sa sinabi niya sa kanila: at inihanda nila ang kordero ng paskua.
17 At nang gumabi na ay naparoon siyang kasama ang labingdalawa. 18 At samantalang sila'y nangakaupo na at nagsisikain, ay sinabi ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang isa sa inyo na kasalo kong kumakain, ay ipagkakanulo ako. 19 Sila'y nagpasimulang nangamanglaw, at isaisang nagsabi sa kaniya, Ako baga? 20 At sinabi niya sa kanila, Isa nga sa labingdalawa, yaong sumabay sa aking sumawsaw sa pinggan. 21 Sapagka't papanaw ang Anak ng tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya: datapuwa't sa aba niyaong taong nagkakanulo sa Anak ng tao! mabuti pa sa taong yaon ang hindi na siya ipinanganak.