1 At nagpasimulang pinagsalitaan niya sila sa mga talinghaga. Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at binakuran ng mga buhay na punong kahoy, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain. 2 At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang tanggapin niya sa mga magsasaka ang mga bunga ng ubasan. 3 At hinawakan nila siya, at hinampas siya, at siya'y pinauwing walang dala. 4 At siya'y muling nagsugo sa kanila ng ibang alipin; at ito'y kanilang sinugatan sa ulo, at dinuwahagi. 5 At nagsugo siya ng iba; at ito'y kanilang pinatay: at ang iba pang marami; na hinampas ang iba, at ang iba'y pinatay. 6 Mayroon pa siyang isa, isang sinisintang anak na lalake: ito'y sinugo niyang kahulihulihan sa kanila, na sinasabi, Igagalang nila ang aking anak. 7 Datapuwa't ang mga magsasakang yaon ay nangagsangusapan, Ito ang tagapagmana; halikayo, atin siyang patayin, at magiging atin ang mana. 8 At siya'y kanilang hinawakan, at siya'y pinatay, at itinaboy sa labas ng ubasan. 9 Ano nga kaya ang gagawin ng panginoon ng ubasan? siya'y paroroon at pupuksain ang mga magsasaka, at ibibigay ang ubasan sa mga iba.
10 Hindi man lamang baga nabasa ninyo ang kasulatang ito: Ang batong itinakuwil ng nangagtayo ng gusali, Ang siya ring ginawang pangulo sa panulok; 11 Ito'y mula sa Panginoon, At ito'y kagilagilalas sa harap ng ating mga mata.
12 At pinagsikapan nilang hulihin siya; at sila'y natakot sa karamihan; sapagka't kanilang napaghalata na kaniyang sinalita ang talinghaga laban sa kanila: at siya'y iniwan nila, at nagsialis.