1 At siya'y umalis doon, at pumasok sa mga hangganan ng Judea at sa dako pa roon ng Jordan: at ang mga karamihan ay muling nakipisan sa kaniya; at, ayon sa kaniyang kinaugalian, ay muling tinuruan niya sila.
2 At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, at siya'y tinanong, Matuwid baga sa lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa? na siya'y tinutukso. 3 At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Ano ang iniutos sa inyo ni Moises? 4 At sinabi nila, Ipinahintulot ni Moises na ilagda ang kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay siya. 5 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay inilagda niya ang utos na ito. 6 Nguni't buhat nang pasimula ng paglalang, Lalake at babaing ginawa niya sila. 7 Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa; 8 At ang dalawa ay magiging isang laman; kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. 9 Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.
10 At sa bahay ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito. 11 At sinabi niya sa kanila, Ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa unang asawa: 12 At kung ihiwalay ng babae ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala siya ng pangangalunya.