31 At siya'y muling umalis sa mga hangganan ng Tiro, at napasa Sidon hanggang sa dagat ng Galilea, na kaniyang tinahak ang mga hangganan ng Decapolis. 32 At dinala nila sa kaniya ang isang bingi at utal; at ipinamanhik nila sa kaniya na kaniyang ipatong ang kaniyang kamay sa kaniya. 33 At siya'y inihiwalay niya ng bukod sa karamihan, at isinuot ang kaniyang mga daliri sa mga tainga niya, at siya'y lumura, at hinipo ang kaniyang dila; 34 At pagkatingala sa langit, ay siya'y nagbuntong-hininga, at sinabi sa kaniya, Ephatha, sa makatuwid baga'y, Mabuksan. 35 At nangabuksan ang kaniyang mga pakinig, at nakalag ang tali ng kaniyang dila, at siya'y nakapagsalitang malinaw. 36 At ipinagbilin niya sa kanila na kanino mang tao ay huwag nilang sabihin: nguni't kung kailan lalong ipinagbabawal niya sa kanila, ay lalo namang kanilang ibinabantog. 37 At sila'y nangagtataka ng di kawasa, na nangagsasabi, Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng mga bagay; kaniyang binibigyang pakinig pati ng mga bingi, at pinapagsasalita ang mga pipi.