3 Nang magkagayo'y si Judas, na nagkanulo sa kaniya, pagkakitang siya'y nahatulan na, ay nagsisi, at isinauli ang tatlongpung putol na pilak sa mga pangulong saserdote at sa matatanda, 4 Na sinasabi, Nagkasala ako sa aking pagkakanulo sa dugong walang kasalanan. Datapuwa't kanilang sinabi, Ano sa amin? ikaw ang bahala niyan. 5 At kaniyang ibinulaksak sa santuario ang mga putol na pilak, at umalis; at siya'y yumaon at nagbigti. 6 At kinuha ng mga pangulong saserdote ang mga putol na pilak, at sinabi, Hindi matuwid na ilagay ang pilak na iyan sa kabang-yaman, sapagka't halaga ng dugo. 7 At sila'y nangagsanggunian, at ibinili nila ang mga yaon ng bukid ng magpapalyok, upang paglibingan ng mga taga ibang bayan. 8 Dahil dito'y tinawag ang bukid na yaon, ang bukid ng dugo, hanggang ngayon. 9 Nang magkagayo'y natupad ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na nagsasabi, At kinuha nila ang tatlongpung putol na pilak, halaga noong hinalagahan, na inihalaga ng mga anak ng Israel; 10 At kanilang ibinigay ang mga yaon na pinakabayad sa bukid ng magpapalyok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.