The Rich Young Man

Matthew 19

16 At narito, lumapit sa kaniya ang isa, at nagsabi, Guro, ano ang mabuting bagay na gagawin ko upang ako'y magkaroon ng buhay na walang hanggan? 17 At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa't kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos. 18 Sinabi niya sa kaniya, Alin-alin? At sinabi ni Jesus, Huwag kang papatay, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang magnanakaw, Huwag sasaksi sa di katotohanan, 19 Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili. 20 Sinabi sa kaniya ng binata, Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko: ano pa ang kulang sa akin? 21 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung ibig mong maging sakdal, humayo ka, ipagbili mo ang tinatangkilik mo, at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin. 22 Datapuwa't nang marinig ng binata ang ganitong pananalita, ay yumaon siyang namamanglaw; sapagka't siya'y isang may maraming pag-aari.

23 At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Mahirap na makapasok ang isang taong mayaman sa kaharian ng langit. 24 At muling sinasabi ko sa inyo, Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios. 25 At nang marinig ito ng mga alagad, ay lubhang nangagtaka, na nagsisipagsabi, Sino nga kaya ang makaliligtas? 26 At pagtingin ni Jesus ay sinabi sa kanila, Hindi mangyayari ito sa mga tao; datapuwa't sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari. 27 Nang magkagayo'y sumagot si Pedro at sinabi sa kaniya, Narito, iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo: ano nga baga ang kakamtin namin? 28 At sinabi ni Jesus sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayong nagsisunod sa akin, sa pagbabagong lahi pagka uupo na ang Anak ng tao sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian, kayo nama'y magsisiupo sa labingdalawang luklukan, upang magsihukom sa labingdalawang angkan ng Israel. 29 At ang bawa't magiwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, dahil sa aking pangalan, ay tatanggap ng tigisang daan, at magsisipagmana ng walang hanggang buhay. 30 Datapuwa't maraming mga una na mangahuhuli; at mga huli na mangauuna.

Next Book Next Book