1 Nang panahong yao'y narinig ni Herodes na tetrarka ang balita tungkol kay Jesus, 2 At sinabi sa kaniyang mga tagapaglingkod, Ito'y si Juan Bautista; siya'y muling nagbangon sa mga patay; kaya't ang mga kapangyarihang ito ay nagsisigawa sa kaniya. 3 Sapagka't hinuli ni Herodes si Juan, at siya'y iginapos, at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kaniyang kapatid. 4 Sapagka't sinabi ni Juan sa kaniya, Hindi matuwid sa iyo na aariin mo siya. 5 At nang ibig niyang ipapatay siya, ay natakot siya sa karamihan, sapagka't siya'y kanilang ibinibilang na propeta. 6 Datapuwa't nang dumating ang araw na kapanganakan kay Herodes, ay sumayaw sa gitna ang anak na babae ni Herodias, at kinalugdan ni Herodes. 7 Dahil dito'y kaniyang ipinangakong may sumpa na sa kaniya'y ibibigay ang anomang hingin niya. 8 At siya, na inudyukan ng kaniyang ina, ay nagsabi, Ibigay mo sa akin dito na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista. 9 At namanglaw ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang mga sumpa, at sa nangakaupong kasalo niya sa dulang, ay ipinagutos niyang ibigay na sa kaniya; 10 At nagutos siya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga: at dinala nito sa kaniyang ina. 12 At ang kaniyang mga alagad ay nagsiparoon, at kanilang binuhat ang bangkay, at kanilang inilibing; at sila'y nagsialis at isinaysay kay Jesus.