36 Nang magkagayon ay iniwan niya ang mga karamihan, at pumasok sa bahay: at sa kaniya'y nagsilapit ang kaniyang mga alagad, na nagsisipagsabi, Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga tungkol sa mga pangsirang damo sa bukid. 37 At siya'y sumagot at nagsabi, Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng tao; 38 At ang bukid ay ang sanglibutan; at ang mabuting binhi, ay ito ang mga anak ng kaharian: at ang mga pangsirang damo ay ang mga anak ng masama; 39 At ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diablo: at ang pagaani ay ang katapusan ng sanglibutan; at ang mga mangaani ay ang mga anghel. 40 Kung paano ang pagtipon sa mga pangsirang damo at pagsunog sa apoy; gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan. 41 Susuguin ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nangakapagpapatisod, at ang nagsisigawa ng katampalasanan, 42 At sila'y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin. 43 Kung magkagayo'y mangagliliwanag ang mga matuwid na katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may mga pakinig, ay makinig.