The Call of Abram

Genesis 12

1 Sinabi nga ng Panginoon kay Abram, Umalis ka sa iyong lupain, at sa iyong mga kamaganak, at sa bahay ng iyong ama, na ikaw ay pasa lupaing ituturo ko sa iyo: 2 At gagawin kitang isang malaking bansa, at ikaw ay aking pagpapalain, at padadakilain ko ang iyong pangalan; at ikaw ay maging isang kapalaran: 3 At pagpapalain ko ang mga magpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo: at pagpapalain sa iyo ang lahat ng angkan sa lupa.

4 Kaya't yumaon si Abram, ayon sa sinalita sa kaniya ng Panginoon; at si Lot ay sumama sa kaniya: at si Abram ay may pitong pu't limang taon, nang umalis sa Haran. 5 Isinama ni Abram si Sarai na kaniyang asawa, at si Lot na anak ng kaniyang kapatid, at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga taong kanilang nakuha sa Haran; at nagsialis upang pasa lupain ng Canaan; at dumating sa lupain ng Canaan. 6 At naglakbay sa lupain si Abram hanggang sa dako ng Sichem, hanggang sa punong encina ng More. At noo'y nasa lupaing yaon ang Cananeo, 7 At napakita ang Panginoon kay Abram, at nagsabi, Sa iyong lahi ay ibibigay ko ang lupaing ito: at siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon na napakita sa kaniya. 8 At mula roon ay lumipat siya sa bundok na nasa silanganan ng Bethel, at doon niya itinayo ang kaniyang tolda, na nasa kalunuran ang Bethel, at nasa silanganan ang Hai: at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon, at sinambitla ang pangalan ng Panginoon. 9 At si Abram ay naglakbay na nagtuloy sa dakong Timugan.

Next Book Next Book