1 Huwag kang magalak, Oh Israel sa katuwaan, na gaya ng mga bayan; sapagka't ikaw ay nagpatutot na humihiwalay sa iyong Dios; iyong inibig ang upa sa bawa't giikan. 2 Ang giikan at ang pisaan ng ubas ay hindi magpapakain sa kanila, at ang bagong alak ay magkukulang sa kaniya. 3 Sila'y hindi magsisitahan sa lupain ng Panginoon; kundi ang Ephraim ay babalik sa Egipto, at sila'y magsisikain ng maruming pagkain sa Asiria.
4 Hindi nila ipagbubuhos ng alak ang Panginoon, ni makalulugod man sa kaniya: ang kanilang mga hain ay magiging sa kanila'y parang tinapay ng nangagluksa; lahat ng magsikain niyaon ay mangapapahamak; sapagka't ang kanilang tinapay ay parang sa kanilang ipagkakagana; hindi papasok sa bahay ng Panginoon.
5 Ano ang inyong gagawin sa kaarawan ng takdang kapulungan, at sa kaarawan ng kapistahan ng Panginoon? 6 Sapagka't, narito, sila'y nagsialis sa kagibaan, gayon ma'y pipisanin sila ng Egipto, sila'y ililibing ng Memphis; ang kanilang maligayang mga bagay na pilak ay aariin ng dawag; mga tinik ang sasa kanilang mga tolda.
7 Ang mga kaarawan ng pagdalaw ay dumating, ang mga kaarawan ng kagantihan ay dumating; malalaman ng Israel: ang propeta ay mangmang, ang lalake na may espiritu ay ulol, dahil sa karamihan ng iyong kasamaan, at sapagka't ang poot ay malaki. 8 Ang Ephraim ay bantay na kasama ng aking Dios: tungkol sa propeta, ay silo ng manghuhuli sa lahat ng kaniyang lansangan, at pagkakaalit ay nasa bahay ng kaniyang Dios. 9 Sila'y nangagpapahamak na mainam, na gaya ng mga kaarawan ng Gabaa: kaniyang aalalahanin ang kanilang kasamaan, kaniyang dadalawin ang kanilang mga kasalanan.
10 Aking nasumpungan ang Israel na parang ubas sa ilang; aking nakita ang inyong mga magulang na parang unang bunga sa puno ng higos sa kaniyang unang kapanahunan: nguni't sila'y nagsiparoon kay Baalpeor, at nangagsitalaga sa mahalay na bagay, at naging kasuklamsuklam na gaya ng kanilang iniibig. 11 Tungkol sa Ephraim, ang kanilang kaluwalhatian ay lilipad na parang ibon; mawawalan ng panganganak, at walang magdadalang tao, at walang paglilihi. 12 Bagaman kanilang pinalalaki ang kanilang mga anak, gayon ma'y aking babawaan sila, na walang tao; oo, sa aba nila pagka ako'y humiwalay sa kanila! 13 Ang Ephraim, gaya ng aking makita ang Tiro, ay natatanim sa isang masayang dako: nguni't ilalabas ng Ephraim ang kaniyang mga anak sa tagapatay. 14 Bigyan mo sila, Oh Panginoon-anong iyong ibibigay? bigyan mo sila ng mga bahay-batang maaagasan at mga tuyong suso.
15 Lahat nilang kasamaan ay nasa Gilgal; sapagka't doo'y kinapootan ko sila; dahil sa kasamaan ng kanilang mga gawa, akin silang palalayasin sa aking bahay; hindi ko na sila iibigin; lahat nilang prinsipe ay mapagsalangsang.
16 Ang Ephraim ay nasaktan, ang kaniyang ugat ay natuyo, sila'y hindi mangagbubunga: oo, bagaman sila'y nanganak, gayon ma'y aking papatayin ang minamahal na bunga ng kanilang bahay-bata. 17 Itatakuwil sila ng aking Dios, sapagka't hindi nila dininig siya; at sila'y magiging mga gala sa gitna ng mga bansa.
1 Ang Israel ay isang mayabong na baging, na nagbunga: ayon sa karamihan ng kaniyang bunga kaniyang pinarami ang kaniyang mga dambana; ayon sa kabutihan ng kaniyang lupain ay nagsigawa sila ng mga mainam na haligi. 2 Ang kanilang puso ay nahati; ngayo'y mangasusumpungan silang salarin: kaniyang ibabagsak ang kanilang mga dambana, kaniyang sasamsamin ang kanilang mga haligi.
3 Walang pagsalang ngayo'y kanilang sasabihin, Kami ay walang hari; sapagka't kami ay hindi nangatatakot sa Panginoon; at ang hari, ano ang magagawa niya para sa atin? 4 Sila'y nagsasalita ng mga walang kabuluhang salita, na nagsisisumpa ng di totoo sa paggawa ng mga tipan: kaya't ang kahatulan ay lumilitaw na parang ajenjo sa mga bungkal sa parang. 5 Ang mga nananahan sa Samaria ay malalagay sa pangingilabot dahil sa mga guya ng Beth-aven; sapagka't ang bayan niyaon ay mananangis doon, at ang mga saserdote niyaon na nangagagalak doon, dahil sa kaluwalhatian niyaon, sapagka't nawala roon. 6 Dadalhin din naman sa Asiria na pinakakaloob sa haring Jareb: ang Ephraim ay tatanggap ng kahihiyan, at ang Israel ay mapapahiya sa kaniyang sariling payo.
7 Tungkol sa Samaria, ang kaniyang hari ay nahiwalay, na parang bula sa tubig. 8 Ang mataas na dako naman ng Aven, ang kasalanan ng Israel ay masisira: ang mga tinik at ang mga dawag ay sisibol sa kanilang mga dambana; at sasabihin nila sa mga bundok, Takpan ninyo kami; at sa mga burol, Mahulog kayo sa amin.
9 Oh Israel, ikaw ay nagkasala mula sa mga kaarawan ng Gabaa: doon sila nagsitayo; ang pagbabaka laban sa mga anak ng kasamaan ay hindi aabot sa kanila sa Gabaa. 10 Pagka siya kong nasa, ay aking parurusahan sila; at ang mga bayan ay magpipisan laban sa kanila, pagka sila'y nagapos sa kanilang dalawang pagsalangsang.
11 At ang Ephraim ay isang dumalagang baka na tinuturuan, na maibigin sa pagiik ng trigo; nguni't aking pinararaan ang pamatok sa kaniyang magandang leeg: ako'y maglalagay ng isang mananakay sa Ephraim; magaararo ang Juda, dudurugin ng Jacob ang kaniyang mga bugal. 12 Mangaghasik kayo sa inyong sarili sa katuwiran, magsigapas kayo ayon sa kaawaan; bungkalin ninyo ang inyong pinabayaang bukiran; sapagka't panahon na hanapin ang Panginoon, hanggang sa siya'y dumating, at magdala ng katuwiran sa inyo.
13 Kayo'y nangaghasik ng kasamaan, kayo'y nagsiani ng kasalanan; kayo'y nagsikain ng bunga ng kabulaanan; sapagka't ikaw ay tumiwala sa iyong lakad, sa karamihan ng iyong makapangyarihang lalake. 14 Kaya't babangon ang isang kagulo sa iyong mga bayan, at lahat ng iyong mga katibayan ay magigiba, na gaya ni Salman na gumiba sa Beth-arbel sa kaarawan ng pagbabaka: ang ina ay pinaglurayluray na kasama ng kaniyang mga anak. 15 Gayon ang gagawin ng Beth-el sa inyo dahil sa inyong malaking kasamaan: sa pagbubukang liwayway, ang hari ng Israel ay lubos na mahihiwalay.