13 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ito ang magiging hangganan, na inyong pagbabahagihan ng lupain na pinakamana ayon sa labing dalawang lipi ng Israel: ang Jose ay magkakaroon ng dalawang bahagi. 14 At inyong mamanahin, ng isa na gaya ng iba; sapagka't aking isinumpa na ibigay ito sa inyong mga magulang: at ang lupaing ito ay mahuhulog sa inyo na pinakamana.
15 At ito ang magiging hangganan ng lupain: Sa dakong hilagaan, mula sa malaking dagat, sa daang Hethlon, hanggang sa pasukan sa Sedad; 16 Hamath, Berotha, Sibrahim, na nasa pagitan ng hangganan ng Damasco at ng hangganan ng Hamath; Haser-hatticon na nasa tabi ng hangganan ng Hauran. 17 At ang hangganang mula sa dagat ay magiging ang Hazar-enon sa hangganan ng Damasco, at nasa hilagaan na dakong hilagaan ang hangganan ng Hamath. Ito ang dakong hilagaan.
18 At ang dakong silanganan, ang pagitan ng Hauran at ng Damasco at ng Galaad, at ang lupain ng Israel, ay siyang magiging Jordan; mula sa hilagaang hangganan hanggang sa silanganang dagat ay inyong susukatin. Ito ang dakong silanganan.
19 At ang timugang dako na gawing timugan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribot-cades, sa batis ng Egipto, hanggang sa malaking dagat. Ito ang timugang dako na gawing timugan.
20 At ang dakong kalunuran ay magiging ang malaking dagat, mula sa hangganang timugan hanggang sa tapat ng pasukan sa Hamath. Ito ang dakong kalunuran.
21 Gayon ninyo hahatiin ang lupaing ito sa inyo ayon sa mga lipi ng Israel. 22 At mangyayari na inyong hahatiin sa sapalaran na pinakamana sa inyo at sa mga taga ibang lupa na makikipamayan sa gitna ninyo, na magkakaanak sa gitna ninyo; at sila'y magiging sa inyo'y gaya ng ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel; sila'y magkakaroon ng mana na kasama ninyo sa gitna ng mga lipi ng Israel. 23 At mangyayari, na kung saang lipi nakipamayan ang taga ibang lupa, doon ninyo bibigyan siya ng mana, sabi ng Panginoong Dios.
1 Ang mga ito nga ang mga pangalan ng mga lipi: Mula sa dulong hilagaan, sa tabi ng daan ng Hethlon hanggang sa pasukan sa Hamath, Hasar-enan, sa hangganan ng Damasco, na dakong hilagaan sa gawing yaon ng Hamath; (at mga magkakaroon ng mga dakong silanganan at kalunuran), ang Dan, isang bahagi. 2 At sa tabi ng hangganan ng Dan, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Aser, isang bahagi. 3 At sa tabi ng hangganan ng Aser, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Nephtali, isang bahagi. 4 At sa tabi ng hangganan ng Nephtali, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Manases, isang bahagi. 5 At sa tabi ng hangganan ng Manases, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Ephraim, isang bahagi. 6 At sa tabi ng hangganan ng Ephraim, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Ruben, isang bahagi. 7 At sa tabi ng hangganan ng Ruben, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Juda, isang bahagi.
8 At sa tabi ng hangganan ng Juda, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, malalagay ang alay na inyong ihahandog, dalawang pu't limang libong tambo ang luwang, at ang haba ay gaya ng isa sa mga bahagi, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran; at ang santuario ay malalagay sa gitna niyaon. 9 Ang alay na inyong ihahandog sa Panginoon ay magiging dalawang pu't limang libong tambo ang haba, at sangpung libo ang luwang. 10 At magiging sa mga ito, sa makatuwid baga'y sa mga saserdote, ang banal na alay; sa dakong hilagaan ay dalawang pu't limang libo ang haba, at sa dakong kalunuran ay sangpung libo ang luwang, at sa dakong timugan ay dalawang pu't limang libo ang haba: at ang santuario ng Panginoon ay maglalagay sa gitna niyaon. 11 Ito'y magiging sa mga saserdote na mga pinapaging banal sa mga anak ni Sadoc, na nagsisiganap ng katungkulan sa akin na hindi nangagpakaligaw nang mangagpakaligaw ang mga anak ni Israel, na gaya ng mga Levita na nangagpakaligaw. 12 At sa kanila'y magiging alay na mula sa alay ng lupain, bagay na kabanalbanalan sa tabi ng hangganan ng mga Levita. 13 At ayon sa hangganan ng mga saserdote, ang mga Levita ay mangagkakaroon ng dalawang pu't limang libo ang haba, at sangpung libo ang luwang: ang buong haba ay magiging dalawang pu't limang libo, at ang luwang ay sangpung libo. 14 At hindi nila ipagbibili, o ipagpapalit man, o ipagkakaloob sa iba man ang mga unang bunga ng lupain; sapagka't ito'y banal sa Panginoon.
15 At ang limang libo na naiwan sa naluwangan, sa tapat ng dalawang pu't limang libo, magiging sa karaniwang kagamitan na ukol sa bayan, sa tahanan at sa mga nayon; at ang bayan ay malalagay sa gitna niyaon. 16 At ang mga ito ang magiging mga sukat niyaon: sa dakong hilagaan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong timugan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong silanganan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong kalunuran ay apat na libo at limang daan. 17 At ang bayan ay magkakaroon ng mga nayon: sa dakong hilagaan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong timugan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong silanganan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong kalunuran ay dalawang daan at limang pu. 18 At ang labis sa haba, na nauukol sa banal na alay, magiging sangpung libo sa dakong silanganan, at sangpung libo sa dakong kalunuran; at magiging ukol sa banal na alay; at ang bunga niyaon ay magiging pinakapagkain sa nagsisigawa sa bayan. 19 At tatamnan nilang nagsisigawa sa bayan sa lahat ng mga lipi ng Israel. 20 Buong alay ay magiging dalawang pu't limang libong tambo at dalawang pu't limang libo: inyong ihahandog na parisukat ang banal na alay, sangpu ng pag-aari ng bayan.
21 At ang labis ay magiging sa prinsipe, sa isang dako at sa kabilang dako ng banal na alay at sa pag-aari ng bayan; sa tapat ng dalawang pu't limang libo sa alay sa dako ng silanganang hangganan, at sa dakong kalunuran sa tapat ng dalawang pu't limang libo sa dako ng kalunurang hangganan, na ukol sa mga bahagi, magiging sa prinsipe: at ang banal na alay at ang santuario ng bahay ay malalagay sa gitna niyaon. 22 Bukod dito'y mula sa pag-aari ng mga Levita, at mula sa pag-aari ng bayan na nasa gitna ng sa prinsipe, sa pagitan ng hangganan ng Juda at ng hangganan ng Benjamin, magiging sa prinsipe.
23 At tungkol sa nalabi sa mga lipi: mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Benjamin, isang bahagi. 24 At sa tabi ng hangganan ng Benjamin, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Simeon, isang bahagi. 25 At sa tabi ng hangganan ng Simeon, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Issachar, isang bahagi. 26 At sa tabi ng hangganan ng Issachar, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Zabulon, isang bahagi. 27 At sa tabi ng hangganan ng Zabulon mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Gad, isang bahagi. 28 At sa tabi ng hangganan ng Gad, sa dakong timugan na gawing timugan, ang hangganan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades sa batis ng Egipto, hanggang sa malaking dagat. 29 Ito ang lupain na inyong babahagihin sa sapalaran sa mga lipi ng Israel na pinakamana, at ang mga ito ang kanilang mga iba't ibang bahagi, sabi ng Panginoong Dios.