A Lament for Egypt

Ezekiel 30

1 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na nagsasabi,

2 Anak ng tao, manghula ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Manambitan kayo: Sa aba ng araw na yaon! 3 Sapagka't ang kaarawan ay malapit na, sa makatuwid baga'y ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na; magiging kaarawan ng pagaalapaap; panahon ng mga bansa. 4 At isang tabak ay darating sa Egipto, at kahirapan ay sasa Etiopia, pagka ang mga patay ay mangabubuwal sa Egipto; at dadalhin nila ang kaniyang karamihan, at ang kaniyang mga patibayan ay mangawawasak.

5 Ang Etiopia, at ang Phut, at ang Lud, at ang buong halohalong bayan, at ang Chub, at ang mga anak ng lupain na nangasa pagkakasundo, mangabubuwal na kasama nila sa pamamagitan ng tabak.

6 Ganito ang sabi ng Panginoon: Sila namang nagsialalay sa Egipto ay mangabubuwal; at ang kapalaluan ng kaniyang kapangyarihan ay mabababa: mula sa moog ng Seveneh ay mangabubuwal sila roon sa pamamagitan ng tabak, sabi ng Panginoong Dios. 7 At sila'y magiging sira sa gitna ng mga lupain na sira; at ang kaniyang mga bayan ay ibibilang sa mga bayan na giba. 8 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka ako'y nagsulsol ng apoy sa Egipto, at lahat niyang katulong ay nangalipol.

9 Sa araw na yaon ay magsisilabas ang mga sugo mula sa harap ko sa mga sasakyan upang takutin ang mga walang bahalang taga Etiopia; at magkakaroon ng kahirapan sa kanila gaya sa kaarawan ng Egipto; sapagka't narito, dumarating.

10 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Akin namang paglilikatin ang karamihan ng Egipto, sa pamamagitan ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia. 11 Siya at ang kaniyang bayan na kasama niya, na kakilakilabot sa mga bansa, ay ipapasok upang gibain ang lupain; at kanilang hahawakan ang kanilang mga tabak laban sa Egipto, at pupunuin ng mga patay ang lupain. 12 At aking tutuyuin ang mga ilog, at aking ipagbibili ang lupain sa kamay ng mga masamang tao; at aking sisirain ang lupain, at lahat na nandoon, sa pamamagitan ng kamay ng mga taga ibang lupa: akong Panginoon ang nagsalita.

13 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Akin din namang sisirain ang mga diosdiosan, at aking paglilikatin ang mga larawan sa Memphis; at hindi na magkakaroon pa ng prinsipe sa lupain ng Egipto; at ako'y maglalagay ng katakutan sa lupain ng Egipto. 14 At aking sisirain ang Patros, at ako'y magsisilab ng apoy sa Zoan, at maglalapat ako ng mga kahatulan sa No. 15 At aking ibubugso ang aking kapusukan sa Sin, na katibayan ng Egipto; at aking ihihiwalay ang karamihan ng mga taga No. 16 At ako'y magsusulsol ng apoy sa Egipto: ang Sin ay malalagay sa malaking kadalamhatian, at ang No ay magigiba: at ang Memphis ay magkakaroon ng mga kaaway sa kaarawan. 17 Ang mga binata sa Aven at sa Pi-beseth ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak; at ang mga ito ay magsisipasok sa pagkabihag. 18 Sa Tafnes nama'y magdidilim ang araw, pagka aking inalis roon ang mga atang ng Egipto, at ang kapalaluan ng kaniyang kapangyarihan ay maglilikat doon: tungkol sa kaniya, ay tatakpan siya ng alapaap, at ang kaniyang mga anak na babae ay magsisipasok sa pagkabihag. 19 Ganito maglalapat ako ng mga kahatulan sa Egipto; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Next Book Next Book