15 Ang salita ng Panginoon ay dumating din sa akin, na nagsasabi, 16 Anak ng tao, narito, aalisin ko sa iyo sa pamamagitan ng kamatayan ang nasa ng iyong mga mata: gayon ma'y hindi ka tatangis, ni iiyak man, ni aagos man ang iyong mga luha. 17 Magbuntong-hininga ka, nguni't huwag malakas; huwag mong tangisan ang patay; itali mo ang pugong mo sa ulo, at isuot mo ang iyong mga panyapak sa iyong mga paa, at huwag mong takpan ang iyong mga labi, at huwag kang kumain ng tinapay ng mga tao. 18 Sa gayo'y nagsalita ako sa bayan nang kinaumagahan; at sa kinahapunan ay namatay ang aking asawa; at aking ginawa nang kinaumagahan ang gaya ng iniutos sa akin.
19 At sinabi ng bayan sa akin, Hindi mo baga sasaysayin sa amin kung anong mga bagay ito sa amin, na ikaw ay gumagawa ng ganyan? 20 Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi: 21 Salitain mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, aking lalapastanganin ang aking santuario, na kapalaluan ng inyong kapangyarihan, na nasa ng inyong mga mata, at kinahihinayangan ng inyong kalooban, at ang inyong mga anak na lalake at babae na inyong iniwan sa hulihan ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak. 22 At inyong gagawin ang aking ginawa; hindi ninyo tatakpan ang inyong mga labi, o kakain man ng tinapay ng mga tao. 23 At ang inyong turbante ay malalagay sa inyong mga ulo, at ang inyong mga panyapak sa inyong mga paa: kayo'y hindi tatangis o iiyak man; kundi kayo'y manganglulupaypay sa inyong mga kasamaan, at mangagdadaingang isa't isa. 24 Ganito magiging isang tanda sa inyo si Ezekiel; ayon sa lahat niyang ginawa ay inyong gagawin: pagka ito'y nangyari ay inyo ngang malalaman na ako ang Panginoong Dios.
25 At ikaw, anak ng tao, hindi baga mangyayari sa araw na aking alisin sa kanila ang kanilang lakas, ang kagalakan ng kanilang kaluwalhatian, ang nasa ng kanilang mga mata, at ang kanilang pinaglalagakan ng kanilang puso, ang kanilang mga anak na lalake at babae, 26 Na sa araw na yaon ang makatatanan ay paroroon sa iyo, upang iparinig sa iyo ng iyong mga pakinig? 27 Sa araw na yaon ay mabubuka ang iyong bibig sa kaniya na nakatanan, at ikaw ay magsasalita, at hindi na mapipipi pa: gayon magiging isang tanda ka sa kanila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.