The Siege of Jerusalem Symbolized

Ezekiel 4

1 Ikaw naman, anak ng tao, kumuha ka ng isang losa, at ilagay mo sa harap mo, at gumuhit ka sa ibabaw ng isang bayan, sa makatuwid baga'y ng Jerusalem. 2 At kubkubin mo, at magtayo ka ng mga katibayan sa tapat noon, at maglagay ka ng bunton sa tapat noon; maglagay ka rin ng mga kampamento sa tapat noon; at magumang ka ng mga pangsaksak sa tapat noon sa palibot. 3 At magdala ka ng kawaling bakal, at ilagay mo na pinakakutang bakal sa pagitan mo at ng bayan: at iharap mo ang iyong mukha sa dako niyaon, at makukubkob, at iyong kukubkubin. Ito ang magiging tanda sa sangbahayan ni Israel.

4 Bukod dito'y humiga ka ng patagilid sa iyong kaliwa at ilagay mo ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel doon; ayon sa bilang ng mga araw na iyong ihihiga roon, magdadanas ka ng kanilang kasamaan. 5 Sapagka't aking itinakda ang mga taon ng kanilang kasamaan upang maging sa iyo'y isang bilang ng mga araw, sa makatuwid baga'y tatlong daan at siyam na pung araw: gayon mo dadanasin ang kasamaan ng sangbahayan ni Israel. 6 At muli, pagka iyong natapos ang mga ito, ikaw ay hihiga sa iyong tagilirang kanan, at iyong dadanasin ang kasamaan ng sangbahayan ni Juda; apat na pung araw, bawa't araw ay pinaka isang taon, aking itinakda sa iyo. 7 At iyong ihaharap ang iyong mukha sa pagkubkob ng Jerusalem na may lilis kang manggas; at ikaw ay manghuhula laban doon. 8 At, narito, ipinaglalagay kita ng lubid, at ikaw ay huwag magpapalikoliko mula sa isang dako hanggang sa kabila, hanggang sa matupad mo ang mga kaarawan ng iyong pagkubkob.

9 Magdala ka rin ng trigo, at ng cebada, at ng habas, at ng lentejas, at ng mijo, at ng espelta, at ilagay mo sa isang sisidlan, at gawin mong tinapay; ayon sa bilang ng mga araw na iyong ihihiga sa iyong tagiliran, sa makatuwid baga'y tatlong daan at siyam na pung araw, iyong kakanin yaon. 10 At ang iyong pagkain na iyong kakanin ay magiging ayon sa timbang, dalawang pung siklo isang araw: araw-araw ay iyong kakanin. 11 At ikaw ay iinom ng tubig ayon sa takal, na ikaanim na bahagi ng isang hin: araw-araw ikaw ay iinom. 12 At iyong kakaning parang mga munting tinapay na cebada, at iyong lulutuin sa dumi na galing sa tao sa kanilang paningin. 13 At sinabi ng Panginoon, Ganito kakanin ng mga anak ni Israel ang kanilang maruming tinapay, sa gitna ng mga bansa na aking pagtatabuyan sa kanila. 14 Nang magkagayo'y sinabi ko, Ah Panginoong Dios! narito, ang aking kaluluwa ay hindi nadumhan, sapagka't mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay hindi ako kumain ng namamatay sa sarili, o nilapa ng mga hayop; o pumasok man ang kasuklamsuklam na karne sa aking bibig. 15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Tingnan mo, ibinigay ko sa iyo'y dumi ng baka na kahalili ng dumi ng tao, at iyong ihahanda ang iyong tinapay sa ibabaw niyaon. 16 Bukod dito'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, narito, aking babaliin ang tungkod ng tinapay sa Jerusalem: at sila'y magsisikain ng tinapay ayon sa timbang, at may pagkatakot; at magsisiinom sila ng tubig ayon sa takal, at manglulupaypay: 17 Upang sila'y mangailangan ng tinapay at tubig, at manglupaypay na magkakasama, at manganlata sa kanilang kasamaan.

Next Book Next Book