1 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, tumayo ka ng iyong mga paa, at ako'y makikipagsalitaan sa iyo. 2 At ang Espiritu ay sumaakin nang siya'y magsalita sa akin, at itinayo ako sa aking mga paa; at aking narinig siya na nagsasalita sa akin. 3 At kaniyang sinabi sa akin, Anak ng tao, sinusugo kita sa mga anak ni Israel, sa mga bansa na mapanghimagsik, na nanganghimagsik laban sa akin: sila at ang kanilang mga magulang ay nagsisalangsang laban sa akin, hanggang sa kaarawan ngang ito. 4 At ang mga anak ay walang galang at mapagmatigas na loob; sinusugo kita sa kanila: at iyong sasabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios. 5 At sila sa didinggin man nila, o sa itatakuwil man nila (sapagka't sila'y mapanghimagsik na sangbahayan), gayon man ay matatalastas nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila. 6 At ikaw, anak ng tao, huwag matakot sa kanila, o matakot man sa kanilang mga salita, bagaman maging mga dawag at mga tinik ang kasama mo, at bagaman ikaw ay tumatahan sa gitna ng mga alakdan: huwag kang matakot sa kanilang mga salita, o manglupaypay man sa kanilang mga tingin, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan. 7 At iyong sasalitain ang aking mga salita sa kanila, sa didinggin, o sa itatakuwil man; sapagka't sila'y totoong mapanghimagsik.
8 Nguni't ikaw, anak ng tao, dinggin mo kung ano ang sinasabi ko sa iyo; huwag kang mapanghimagsik na gaya niyaong mapanghimagsik na sangbahayan; ibuka mo ang iyong bibig, at iyong kanin ang ibinibigay ko sa iyo. 9 At nang ako'y tumingin, narito, isang kamay ay nakaunat sa akin; at narito, isang balumbon ay nandoon; 10 At ikinadkad niya sa harap ko: at nasusulatan sa loob at sa labas; at may nakasulat doon na mga taghoy, at panangis, at mga daing.
1 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, kanin mo ang iyong nasusumpungan; kanin mo ang balumbong ito, at ikaw ay yumaon, magsalita ka sa sangbahayan ni Israel. 2 Sa gayo'y ibinuka ko ang aking bibig, at ipinakain niya sa akin ang balumbon. 3 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, pakanin mo ang iyong tiyan, at busugin mo ang iyong bituka ng balumbong ito na aking ibinibigay sa iyo. Nang magkagayo'y kinain ko, at sa aking bibig ay naging parang pulot sa katamisan.
4 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, yumaon ka, paroon ka sa sangbahayan ni Israel, at magsalita ka ng aking mga salita sa kanila. 5 Sapagka't ikaw ay hindi sinugo sa isang bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, kundi sa sangbahayan ni Israel; 6 Hindi sa maraming bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, na ang mga salita ay hindi mo nauunawa. Tunay na kung suguin kita sa mga yaon, didinggin ka ng mga yaon. 7 Nguni't hindi ka didinggin ng sangbahayan ni Israel; sapagka't hindi nila ako didinggin: sapagka't ang buong sangbahayan ni Israel ay may matigas na ulo, at may mapagmatigas na loob. 8 Narito, aking pinapagmatigas ang iyong mukha laban sa kanilang mga mukha, at pinatigas ko ang iyong ulo laban sa kanilang mga ulo. 9 Ginawa kong parang isang diamante na lalong matigas kay sa pingkiang bato ang iyong ulo: huwag mo silang katakutan, o manglupaypay man sa kanilang tingin, bagaman sila'y mapanghimagsik na sangbahayan. 10 Bukod dito'y sinabi niya sa akin, Anak ng tao, lahat ng aking mga salita na aking sasalitain sa iyo ay tanggapin mo sa iyong puso, at dinggin mo ng iyong mga pakinig. 11 At yumaon ka, pumaroon ka sa mga bihag, na mga anak ng iyong bayan at magsalita ka sa kanila, at saysayin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; sa didinggin man nila, o sa itatakuwil man nila.
12 Nang magkagayo'y itinaas ako ng Espiritu, at aking narinig sa likuran ko ang tinig ng malaking hugong, na nagsasabi; Purihin ang kaluwalhatian ng Panginoon mula sa kaniyang dako. 13 At aking narinig ang pagaspas ng mga pakpak ng mga nilalang na may buhay na nagkakadagisdisan, at ang hugong ng mga gulong sa siping nila, sa makatuwid baga'y ang ingay ng malaking hugong. 14 Sa gayo'y itinaas ako ng Espiritu, at ako'y dinala; at ako'y yumaong namamanglaw, sa pagiinit ng aking kalooban; at ang kamay ng Panginoon ay naging malakas sa akin. 15 Nang magkagayo'y naparoon ako sa mga bihag sa Tel-abib, na nagsisitahan sa pangpang ng ilog Chebar, at sa kanikanilang kinatatahanan; at ako'y umupo roong natitigilan sa gitna nila na pitong araw.