7 Tungkol sa Edom. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Wala na baga ang karunungan sa Teman? nawala baga ang payo sa mabait? nawala baga ang kanilang karunungan? 8 Magsitakas kayo, magsibalik kayo, kayo'y magsitahan sa kalaliman, Oh mga nananahan sa Dedan; sapagka't aking dadalhin ang kapahamakan ng Esau sa kaniya, sa panahon na aking dadalawin siya. 9 Kung ang mga mangaani ng ubas ay magsidating sa iyo, hindi baga sila mangagiiwan ng mapupulot na mga ubas? kung mga magnanakaw sa gabi, hindi baga sila magsisigiba ng hanggang magkaroon ng kahustuhan? 10 Nguni't aking hinubdan ang Esau, aking inilitaw ang kaniyang mga kublihan, at siya'y hindi makapagkukubli: ang kaniyang mga binhi ay nasira, at ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga kalapit, at siya'y wala na rin. 11 Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, aking iingatan silang buhay: at magsitiwala sa akin ang iyong mga babaing bao.
12 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, silang hindi nangauukol magsiinom sa saro ay walang pagsalang magsisiinom; at ikaw baga'y yayaong lubos na walang parusa? ikaw ay hindi yayaon na walang parusa, kundi walang pagsalang iinom ka. 13 Sapagka't ako'y sumumpa sa pamamagitan ng aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang Bosra ay magiging katigilan, kakutyaan, kasiraan, at kasumpaan; at ang lahat ng mga bayan niyaon ay magiging walang hanggang pagkasira.
14 Ako'y nakarinig ng mga balita na mula sa Panginoon, at isang sugo ay sinugo sa gitna ng mga bansa, na sinasabi, Kayo'y magpipisan, at magsiparoon laban sa kaniya, at magsibangon sa pakikipagbaka. 15 Sapagka't, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa, at hinamak kita sa gitna ng mga tao. 16 Tungkol sa iyong mga kakilabutan, dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso, Oh ikaw na tumatahan sa mga bitak ng bato, na humahawak sa kaitaasan ng burol: bagaman iyong pataasin ang iyong pugad na kasingtaas ng aguila, aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.
17 At ang Edom ay magiging katigilan: bawa't nagdaraan ay matitigilan, at susutsot dahil sa lahat ng salot doon. 18 Kung paano ang nangyari sa Sodoma at Gomorra, at sa mga kalapit bayan niyaon, sabi ng Panginoon, gayon walang lalake na tatahan doon, ni sinomang anak ng tao ay mangingibang bayan doon. 19 Narito, siya'y sasampa na parang leon mula sa kapalaluan ng Jordan laban sa matibay na tahanan: sapagka't bigla kong patatakbuhin siya mula roon; at ang mapili siya kong ihahalal sa kaniya: sapagka't sino ang gaya ko? at sinong nagtatakda sa akin ng panahon? at sino ang pastor na makatatayo sa harap ko? 20 Kaya't inyong dinggin ang payo ng Panginoon, na kaniyang ipinasiya laban sa Edom; at ang kaniyang mga panukala na kaniyang pinanukala laban sa mga nananahan sa Teman: Tunay na itataboy sila, sa makatuwid baga'y ang mga maliit ng kawan; tunay na kaniyang ipapahamak ang kanilang tahanan kalakip nila. 21 Ang lupa ay nayayanig sa hugong ng kanilang pagkabuwal; may hiyawan, na ang ingay ay naririnig sa Dagat na Mapula. 22 Narito, siya'y sasampa at parang aguila na lilipad, at magbubuka ng kaniyang mga pakpak laban sa Bosra: at ang puso ng mga makapangyarihang lalake ng Edom sa araw na yaon ay magiging parang puso ng babae sa kaniyang pagdaramdam.