1 At ang buong lupa ay iisa ang wika at iisa ang salita. 2 At nangyari, na, sa kanilang paglalakbay sa silanganan, ay nakasumpong sila ng isang kapatagan sa lupain ng Sinar; at sila'y nanahan doon. 3 At nagsangusapang, Halikayo! tayo'y gumawa ng mga laryo, at ating lutuing mabuti. At inari nilang bato ang laryo at ang betun ay inaring argamasa. 4 At nagsipagsabi, Halikayo! Magtayo tayo ng isang bayan natin at ng isang moog, na ang taluktok niyaon ay aabot hanggang sa langit, at magtaglay tayo ng isang ngalan; baka tayo'y mangalat sa ibabaw ng buong lupa. 5 At bumaba ang Panginoon upang tingnan ang bayan at ang moog, na itinayo ng mga anak ng mga tao. 6 At sinabi ng Panginoon, Narito, sila'y iisang bayan at silang lahat ay may isang wika; at ito ang kanilang pinasimulang gawin: at, ngayon nga'y walang makasasawata sa anomang kanilang balaking gawin. 7 Halikayo! tayo'y bumaba at diyan din ay ating guluhin ang kanilang wika, na anopa't sila'y huwag magkatalastasan sa kanilang salita. 8 Ganito pinanabog sila ng Panginoon mula riyan, sa ibabaw ng buong lupa; at kanilang iniwan ang pagtatayo ng bayan. 9 Kaya ang pangalang itinawag ay Babel; sapagka't doon ginulo ng Panginoon ang wika ng buong lupa: at mula roon ay pinanabog sila ng Panginoon sa ibabaw ng buong lupa.