1 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, pagkatapos na mapayaon siya mula sa Rama ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, nang dalhin siya na siya'y natatanikalaan sa gitna ng lahat na bihag sa Jerusalem at sa Juda, na nadalang bihag sa Babilonia. 2 At kinuha si Jeremias ng kapitan ng bantay, at nagsabi sa kaniya, Ang Panginoon mong Dios ay nagbadya ng kasamaang ito sa dakong ito; 3 At pinapangyari, at ginawa ng Panginoon ayon sa kaniyang sinalita: sapagka't kayo'y nangagkasala laban sa Panginoon, at hindi nagsitalima ng kaniyang tinig, kaya't ang bagay na ito ay dumating sa inyo. 4 At ngayon, narito, aking kinakalagan ka sa araw na ito ng mga tanikala na nangasa iyong kamay. Kung inaakala mong mabuti na sumama sa akin sa Babilonia, halina, at lilingapin kitang mabuti; nguni't kung inaakala mong masama na sumama sa akin sa Babilonia, tanggihan mo; narito, ang buong lupain ay nasa harap mo, kung saan inaakala mong mabuti at marapat sa iyo na pumaroon, doon ka pumaroon. 5 Samantala ngang hindi pa siya bumabalik. Bumalik ka nga, sabi niya, kay Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan, na ginawang tagapamahala ng hari sa Babilonia sa mga bayan ng Juda, at tumahang kasama niya sa gitna ng bayan, o pumaroon ka kung saan mo inaakalang mabuting pumaroon. Sa gayo'y binigyan siya ng kapitan ng bantay ng pagkain at kaloob, at pinayaon siya. 6 Nang magkagayo'y naparoon si Jeremias kay Gedalias na anak ni Ahicam sa Mizpa, at tumahang kasama niya sa gitna ng bayan na naiwan sa lupain.
7 Nang mabalitaan nga ng lahat ng kapitan sa mga kawal na nangasa mga parang, sa makatuwid baga'y nila, at ng kanilang mga lalake na ginawang tagapamahala ng hari sa Babilonia si Gedalias na anak ni Ahicam sa lupain, at ipinagbilin sa kaniya ang mga lalake, at ang mga babae, at ang mga bata, at ang mga pinakadukha sa lupain, yaong hindi nangadalang bihag sa Babilonia; 8 Nagsiparoon nga sila kay Gedalias sa Mizpa, sa makatuwid baga'y si Ismael na anak ni Nethanias at si Johanan at si Jonathan na mga anak ni Carea, at si Seraias na anak ni Tanhumeth, at ang mga anak ni Ephi na Netophatita, at si Jezanias na anak ng Maachatita, sila, at ang kanilang mga lalake. 9 At si Gedalias na anak ni Ahicam na anak ni Saphan, ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga lalake, na sinasabi, Huwag kayong mangatakot na magsipaglingkod sa mga Caldeo; kayo'y magsitahan sa lupain, at magsipaglingkod sa hari sa Babilonia, at ikabubuti ninyo. 10 Tungkol sa akin, narito, ako'y tatahan sa Mizpa, upang tumayo sa harap ng mga Caldeo, na paririto sa atin: nguni't kayo, mangagpisan kayo ng alak at ng mga bunga sa taginit at ng langis, at inyong ilagay sa inyong mga sisidlan, at kayo'y magsitahan sa inyong mga bayan na inyong sinakop. 11 Gayon din nang mabalitaan ng lahat ng Judio na nangasa Moab, at sa gitna ng mga anak ni Ammon, at sa Edom, at ng nangasa lahat ng lupain, na ang hari sa Babilonia ay nagiwan ng labi sa Juda, at inilagay niya sa kanila si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Saphan: 12 Lahat ng Judio nga ay nagsibalik na mula sa lahat ng dakong kinatabuyan sa kanila, at naparoon sa lupain ng Juda kay Gedalias, sa Mizpa, at nagpisan ng alak at ng mga bunga sa taginit na totoong marami.
13 Bukod dito'y si Johanan na anak ni Carea, at lahat na kapitan ng mga kawal na nangasa mga parang, ay nagsiparoon kay Gedalias sa Mizpa, 14 At nangagsabi sa kaniya, Nalalaman mo baga na sinugo ni Baalis na hari ng mga anak ni Ammon si Ismael na anak ni Nethanias upang kunin ang iyong buhay? Nguni't si Gedalias na anak ni Ahicam ay hindi naniwala. 15 Nang magkagayo'y si Johanan na anak ni Carea ay nagsalita ng lihim kay Gedalias sa Mizpa, na sinabi, Isinasamo ko sa iyo, na payaunin mo ako, at aking papatayin si Ismael na anak ni Nethanias, at walang lalaking makakaalam: bakit niya kikitilin ang iyong buhay, upang ang lahat na Judio na napipisan sa iyo ay mangalat, at malipol ang nalabi sa Juda? 16 Nguni't sinabi ni Gedalias na anak ni Ahicam kay Johanan na anak ni Carea, Huwag mong gagawin ang bagay na ito; sapagka't ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan tungkol kay Israel.