1 At nangyari nang masakop ang Jerusalem, (nang ikasiyam na taon ni Sedechias na hari sa Juda, sa ikasangpung buwan, dumating si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at ang kaniyang buong hukbo laban sa Jerusalem, at kinubkob; 2 Nang ikalabing isang taon ni Sedechias, nang ikaapat na buwan, nang ikasiyam na araw ng buwan, isang sira ay nagawa sa bayan), 3 Na ang lahat ng mga prinsipe ng hari sa Babilonia, ay nagsipasok, at nagsiupo sa gitnang pintuang-bayan, si Nergal-sarezer, si Samgar-nebo, si Sarsechim, si Rabsaris, si Nergal-sarezer, si Rab-mag, sangpu ng nalabi sa mga prinsipe ng hari sa Babilonia. 4 At nangyari, na nang makita sila ni Sedechias na hari, sa Juda at ng lahat na lalaking mangdidigma, ay nagsitakas nga sila, at nagsilabas sa bayan nang kinagabihan, sa daan ng halamanan ng hari, sa pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta; at siya'y lumabas sa daan ng Araba. 5 Nguni't hinabol sila ng hukbo ng mga Caldeo, at inabot si Sedechias sa mga kapatagan ng Jerico: at nang kanilang mahuli siya, isinampa nila siya kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamath, at kaniyang nilapatan siya ng kahatulan. 6 Nang magkagayo'y pinatay ng hari sa Babilonia ang mga anak ni Sedechias sa Ribla sa harap ng kaniyang mga mata; pinatay rin ng hari sa Babilonia ang lahat na mahal na tao sa Juda. 7 Bukod dito'y kaniyang binulag ang mga mata ni Sedechias, at inilagay siya sa pangawan, upang dalhin siya sa Babilonia. 8 At sinunog ng mga Caldeo ng apoy ang bahay ng hari, at ang mga bahay ng mga tao, at ibinagsak ang mga kuta ng Jerusalem. 9 Nang magkagayo'y dinalang bihag sa Babilonia ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, ang nalabi sa mga tao na naiwan sa bayan, gayon din ang nagsilipat na nagsikampi sa kaniya, at ang nalabi sa bayan na naiwan. 10 Nguni't iniwan ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay ang mga dukha sa bayan, na walang tinatangkilik sa lupain ng Juda, at binigyan sila ng mga ubasan at ng mga bukid sa panahon ding yaon.