1 At ilapit mo sa iyo si Aarong iyong kapatid at ang kaniyang mga anak na kasama niya, mula sa gitna ng mga anak ni Israel, upang makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote, si Aaron, si Nadab at si Abiu, si Eleazar at si Ithamar, na mga anak ni Aaron. 2 At igagawa mo ng mga banal na kasuutan si Aarong iyong kapatid sa ikaluluwalhati at ikagaganda. 3 At iyong sasalitain sa lahat ng matalino, na aking pinagpupuspos ng diwa ng karunungan, na kanilang gawin ang kasuutan ni Aaron, upang siya'y italaga, na siya'y makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote. 4 At ito ang mga kasuutang kanilang gagawin; isang pektoral, at isang epod, at isang balabal, at isang tunika na tinahing guhitguhit na naaanyong pariparisukat, isang mitra at isang pamigkis: at kanilang igagawa ng mga banal na kasuutan si Aarong iyong kapatid, at ang kaniyang mga anak, upang makapangasiwa sa akin sa katungkulang saserdote. 5 At kukuha sila ng ginto, at ng kayong bughaw, at ng kulay-ube, at ng pula, at ng lino.
6 At kanilang gagawin ang epod na ginto, at kayong bughaw, at kulay-ube, pula, at linong pinili, na yari ng bihasang mangbuburda. 7 Magkakaroon ng dalawang pangbalikat na nagkakasugpong sa dalawang dulo niyaon; upang magkasugpong. 8 At ang mainam na pagkayaring pamigkis na nasa ibabaw ng epod upang ibigkis, ay gagawing gaya ng pagkayari ng epod at kaputol, na ginto, kayong bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili. 9 At kukuha ka ng dalawang batong onix, at iyong iuukit na limbag sa ibabaw ng mga yaon ang mga pangalan ng mga anak ni Israel: 10 Anim sa kanilang mga pangalan ay sa isang bato, at ang mga pangalan ng anim na natitira ay sa isang bato, ayon sa kanilang kapanganakan. 11 Nayari ng manguukit sa bato, na gaya ng ukit ng isang panatak, iyong iuukit sa dalawang bato, ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel: iyong gagawing napamumutihan ng mga kalupkop na ginto. 12 At iyong ilalagay ang dalawang bato sa ibabaw ng pangbalikat ng epod, upang maging mga batong pinakaalaala sa ikagagaling ng mga anak ni Israel: at papasanin ni Aaron ang kanilang mga pangalan sa harap ng Panginoon, sa ibabaw ng kaniyang dalawang balikat, na pinakaalaala. 13 At gagawa ka ng mga kalupkop na ginto: 14 At ng dalawang tanikalang taganas na ginto; parang pisi iyong gagawin na yaring pinili: at iyong ilalapat sa mga kalupkop ang mga tanikalang pinili.
15 At gagawin mo ang pektoral ng kahatulan, na gawa ng bihasang manggagawa; na gaya ng pagkayari ng epod iyong gagawin; gagawin mo na ginto, na bughaw, at kulay-ube, at pula, at linong pinili. 16 Gagawing parisukat at nakatiklop; isang dangkal magkakaroon ang haba niyaon, at isang dangkal ang luwang niyaon. 17 At iyong kakalupkupan ng mga kalupkop na mga bato, apat na hanay na bato: isang hanay na sardio, topacio, at karbungko ang magiging unang hanay; 18 At ang ikalawang hanay, ay isang esmeralda, isang zapiro, at isang diamante; 19 At ang ikatlong hanay ay isang hasinto, isang agata, at isang amatista; 20 At ang ikaapat na hanay ay isang berilo, isang onix, at isang haspe: pawang pamumutihan ng ginto sa kanilang mga kalupkop. 21 At ang mga bato ay iaayos sa mga pangalan ng mga anak ni Israel; labingdalawa, ayon sa mga pangalan nila; gaya ng ukit ng isang panatak, bawa't isa'y ayon sa kanilang pangalan, na magiging ukol sa labing dalawang lipi. 22 At gagawa ka sa ibabaw ng pektoral ng mga tanikalang parang pisi, yaring pinili, na taganas na ginto. 23 At igagawa mo ang ibabaw ng pektoral ng dalawang singsing na ginto, at ilalagay mo ang dalawang singsing sa dalawang sulok ng itaas ng pektoral. 24 At inyong ilalagay ang dalawang pinising tanikalang ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral. 25 At ang dalawang dulo ng dalawang tanikala ng pinili ay iyong ilalapat sa dalawang kalupkop, at iyong mga ilalagay sa mga pangbalikat ng epod, sa harapan. 26 At gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at mga ilalagay mo sa dalawang sulok ng pektoral sa laylayan niyaon na nasa dakong kabaligtaran ng epod. 27 At gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at iyong mga ikakapit sa dalawang pangbalikat ng epod, sa dakong ibaba, sa harapan, na malapit sa pagkakasugpong sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod. 28 At kanilang itatali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing niyaon sa mga singsing ng epod ng isang taling bughaw, upang mamalagi sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng epod, at upang ang pektoral ay huwag makalag sa epod. 29 At dadalhin ni Aaron sa kaniyang sinapupunan ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na nasa pektoral ng kahatulan pagka siya'y pumapasok sa dakong banal, na pinakaalaala sa harap ng Panginoon, na palagi. 30 At ilalagay mo sa pektoral ng kahatulan ang Urim at ang Tummim at mga ilalagay sa sinapupunan ni Aaron, pagka siya'y pumapasok sa harap ng Panginoon at dadalhing palagi ni Aaron sa harap ng Panginoon ang kahatulan sa mga anak ni Israel na nasa kaniyang sinapupunan.
31 At gagawin mo ang balabal ng epod na taganas na bughaw. 32 At magkakaroon ng isang pinakaleeg sa gitna niyaon: magkakaroon ito ng isang uriang tinahi sa palibot ng pinakaleeg, gaya ng butas ng isang koselete, upang huwag mapunit. 33 At ang saya niyaon ay igagawa mo ng mga granadang bughaw, at kulay-ube, at pula, sa palibot ng saya niyaon; at ng mga kampanilyang ginto sa gitna ng mga yaon sa palibot: 34 Isang kampanilyang ginto at isang granada, isang kampanilyang ginto at isang granada sa saya sa ibaba ng balabal sa palibot. 35 At isusuot ni Aaron upang mangasiwa: at ang tunog niyao'y maririnig pagka siya'y pumapasok sa dakong banal sa harap ng Panginoon, at pagka siya'y lumalabas, upang siya'y huwag mamatay.
36 At gagawa ka ng isang laminang taganas na ginto, at doo'y isusulat mong ukit na ayon sa ukit ng isang panatak, Banal sa Panginoon. 37 At iyong ilalagay sa isang listong bughaw, at malalagay sa ibabaw ng mitra; sa ibabaw ng harapan ng mitra malalagay. 38 At malalagay sa noo ni Aaron, at dadalhin ni Aaron ang kasamaan ng mga banal na bagay, na pakakabanalin ng mga anak ni Israel sa lahat nilang mga banal na kaloob; at malalagay na palagi sa kaniyang noo, upang tanggapin sa harap ng Panginoon.
39 At iyong hahabihin ang kasuutan na anyong parisukat, na lino, at iyong gagawin ang mitra na lino, at iyong gagawin ang pamigkis na yari ng mangbuburda.
40 At iyong igagawa ang mga anak ni Aaron ng mga kasuutan, at iyong igagawa sila ng mga pamigkis, at iyong igagawa sila ng mga tiara sa ikaluluwalhati at ikagaganda. 41 At iyong isusuot kay Aarong iyong kapatid at sa kaniyang mga anak na kasama niya; at iyong papahiran ng langis sila, at iyong itatalaga sila, at iyong papagbanalin sila, upang sila'y makapangasiwa sa akin, sa katungkulang saserdote. 42 At iyong igagawa sila ng mga salawal na lino, upang takpan ang laman ng kanilang kahubaran; mula sa mga balakang hanggang sa mga hita aabot. 43 At isusuot ni Aaron at ng kaniyang mga anak, pagka sila'y pumapasok sa tabernakulo ng kapisanan, o pagka sila'y lumalapit sa dambana upang mangasiwa sa dakong banal; upang sila'y huwag magdala ng kasamaan, at huwag mamatay: magiging isang palatuntunang walang hanggan sa kaniya at sa kaniyang binhi pagkamatay niya.