24 At tungkol kay Semaias na Nehelamita ay iyong sasalitain, na sasabihin, 25 Ganito ang sinasalita ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, na sinasabi, Sapagka't ikaw ay nagpadala ng mga sulat sa iyong sariling pangalan sa buong bayan na nasa Jerusalem, at kay Sophonias na anak ni Maasias na saserdote, at sa lahat na saserdote, na iyong sinasabi, 26 Ginawa kang saserdote ng Panginoon na kahalili ni Joiada na saserdote, upang kayo'y maging mga lingkod sa bahay ng Panginoon, sa bawa't tao na ulol, at nagpapanggap na propeta, upang iyong mailagay sa pangawan at sa mga tanikala. 27 Ngayon nga, bakit hindi mo sinaway si Jeremias na taga Anathoth, na nagpapanggap na propeta sa inyo, 28 Yamang siya'y nagsugo sa Babilonia, na nagsasabi, Ang pagkabihag ay malaon: kayo'y mangagtayo ng mga bahay at inyong tahanan; at kayo'y mangaghalaman, at inyong kanin ang bunga ng mga yaon?
29 At binasa ni Sophonia na saserdote ang sulat na ito sa mga pakinig ni Jeremias na propeta. 30 Nang magkagayo'y dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na nagsasabi, 31 Ikaw ay magsugo sa kanilang lahat na nasa pagkabihag, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Semaias na Nehelamita. Yamang nanghula si Semaias sa inyo, at hindi ko sinugo siya, at kaniyang pinatiwala kayo sa kasinungalingan. 32 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking parurusahan si Semaias na Nehelamita, at ang kaniyang binhi; siya'y hindi magkakaroon ng lalake na tatahan sa gitna ng bayang ito, o mamamasdan man niya ang mabuti na gagawin ko sa aking bayan, sabi ng Panginoon, sapagka't siya'y nagsalita ng panghihimagsik laban sa Panginoon.