The Yoke of Nebuchadnezzar

Jeremiah 27

1 Nang pasimula ng paghahari ni Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, dumating ang salitang ito kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi, 2 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Gumawa ka para sa iyo ng mga panali at mga pamatok, at ilagay mo sa iyong batok, 3 At iyong mga ipadala sa hari sa Edom, at sa hari sa Moab, at sa hari ng mga anak ni Ammon, at sa hari sa Tiro, at sa hari sa Sidon, sa pamamagitan ng kamay ng mga sugo na nagsisiparoon sa Jerusalem kay Sedechias na hari sa Juda, 4 At ipagbilin mo sa kanilang mga panginoon, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong mga panginoon. 5 Aking ginawa ang lupa, ang tao at ang hayop na nasa ibabaw ng lupa, sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng aking unat na bisig; at aking ibinigay doon sa minamarapat ko. 6 At ngayon ay ibinigay ko ang lahat ng lupaing ito sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, na aking lingkod at ang mga hayop sa parang ay ibinigay ko rin naman sa kaniya upang mangaglingkod sa kaniya. 7 At lahat ng mga bansa ay mangaglilingkod sa kaniya, at sa kaniyang anak at sa anak ng kaniyang anak, hanggang dumating ang panahon ng kaniyang sariling lupain: at kung magkagayo'y maraming bansa at mga dakilang hari ay paglilingkuran siya.

8 At mangyayari, na ang bansa at ang kaharian na hindi maglilingkod kay Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at yaong hindi yuyukod ng kanilang ulo sa pamatok ng hari sa Babilonia, ang bansang yaon, sabi ng Panginoon, ay parurusahan ko ng tabak, at ng kagutom, at ng salot, hanggang sa aking malipol sila sa pamamagitan ng kaniyang kamay. 9 Nguni't tungkol sa inyo, huwag ninyong dinggin ang inyong mga propeta, o ang inyong mga manghuhula man, o ang inyong mga panaginip man, o ang inyong mga mapamahiin man, o ang inyong mga manggagaway man, na nangagsasalita sa inyo, na nagsasabi, Kayo'y hindi mangaglilingkod sa hari sa Babilonia: 10 Sapagka't sila'y nanganghuhula ng kasinungalingan sa inyo, upang ilayo kayo sa inyong lupain; at aking palalayasin kayo at kayo'y mangalilipol. 11 Nguni't ang bansa na iyukod ang kaniyang ulo sa pamatok ng hari sa Babilonia, at maglilingkod sa kaniya, ang bansang yaon ay aking ilalabi sa kaniyang sariling lupain, sabi ng Panginoon; at kanilang bubukirin, at tatahanan.

12 At ako'y nagsalita kay Sedechias na hari sa Juda ayon sa lahat ng mga salitang ito na aking sinabi, Inyong iyukod ang inyong ulo sa pamatok ng hari sa Babilonia, at mangaglilingkod kayo sa kaniya at sa kaniyang bayan, at kayo'y mangabuhay: 13 Bakit kayo'y mangamamatay, ikaw, at ang iyong bayan, sa pamamagitan ng tabak, ng kagutom, at ng salot, gaya ng sinalita ng Panginoon tungkol sa bansa na hindi maglilingkod sa hari sa Babilonia? 14 At huwag kayong mangakinig ng salita ng mga propeta na nangagsasalita sa inyo, na nangagsasabi, Kayo'y hindi mangaglilingkod sa hari sa Babilonia: sapagka't sila'y nanganghuhula ng kabulaanan sa inyo. 15 Sapagka't hindi ko sinugo sila, sabi ng Panginoon; kundi sila'y nanganghuhulang may kasinungalingan sa aking pangalan; upang aking mapalayas kayo, at kayo'y mangalipol, kayo, at ang mga propeta na nanganghuhula sa inyo.

16 Ako naman ay nagsalita rin sa mga saserdote at sa lahat ng bayang ito, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon: Huwag kayong mangakinig ng mga salita ng inyong mga propeta, na nanganghuhula sa inyo, na nangagsasabi, Narito, ang mga sisidlan ng bahay ng Panginoon ay madaling madadala uli na mula sa Babilonia: sapagka't sila'y nanganghuhula ng kasinungalingan sa inyo. 17 Huwag ninyong dinggin sila, mangaglingkod kayo sa hari sa Babilonia, at kayo'y mangabuhay: bakit nga ang bayang ito ay magiging sira? 18 Nguni't kung sila'y mga propeta, at ang mga salita ng Panginoon ay sumasakanila, mamagitan sila ngayon sa Panginoon ng mga hukbo, upang ang mga sisidlan na naiwan sa bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari sa Juda, at ng Jerusalem, ay huwag mangaparoon sa Babilonia. 19 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga haligi, at tungkol sa dagatdagatan, at tungkol sa mga tungtungan, at tungkol sa nalabi sa mga sisidlan na nangaiwan sa bayang ito, 20 Na hindi kinuha ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, nang kaniyang dalhing bihag si Jechonias na anak ni Joacim na hari sa Juda, mula sa Jerusalem hanggang sa Babilonia, at ang lahat ng mahal na tao ng Juda at ng Jerusalem; 21 Oo, ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, tungkol sa mga sisidlan na naiwan sa bahay ng Panginoon, at sa bahay ng hari sa Juda, at ng Jerusalem: 22 Mangadadala sa Babilonia, at mangapaparoon, hanggang sa araw na dalawin ko sila, sabi ng Panginoon; kung magkagayo'y isasampa ko sila, at isasauli ko sa dakong ito.

Next Book Next Book