1 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, nang suguin ng haring Sedechias sa kaniya si Pashur na anak ni Malchias, at si Sephanias na anak ni Maasias na saserdote, na sinasabi, 2 Isinasamo ko sa iyo, na ipagusisa mo kami sa Panginoon; sapagka't si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, ay nakikipagdigma laban sa amin: marahil ang Panginoon ay gagawa sa amin ng ayon sa lahat niyang kamanghamanghang gawa, upang siya'y sumampa na mula sa amin.
3 Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin kay Sedechias: 4 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Narito, ibabalik ko ang mga almas na pangdigma na nangasa inyong mga kamay, na inyong ipinakikipaglaban sa hari sa Babilonia, at laban sa mga Caldeo na kinukubkob ninyo sa labas ng mga kuta, at aking pipisanin sa gitna ng bayang ito. 5 At ako sa aking sarili ay lalaban sa inyo na may unat na kamay at may malakas na bisig, sa galit, at sa kapusukan, at sa malaking poot. 6 At aking susugatan ang mga mananahan sa bayang ito, ang tao at gayon din ang hayop: sila'y mangamamatay sa malaking pagkasalot. 7 At pagkatapos, sabi ng Panginoon, aking ibibigay si Sedechias na hari sa Juda, at ang kaniyang mga lingkod, at ang bayan, at yaong nangaiwan sa bayang ito na mula sa pagkasalot, mula sa tabak, at mula sa gutom, sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng kanilang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang buhay: at kaniyang susugatan sila ng talim ng tabak; hindi niya patatawarin sila, o panghihinayangan man, o kaaawaan man.
8 At sa bayang ito ay sasabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, inilalagay ko sa harap ninyo ang daan ng kabuhayan at ang daan ng kamatayan, 9 Ang tumatahan sa bayang ito ay mamamatay sa pamamagitan ng kagutom, at sa pamamagitan ng tabak at sa pamamagitan ng salot; nguni't ang lumalabas at kumakampi sa mga Caldeo na kumukubkob sa inyo, siya'y mabubuhay, at ang kaniyang buhay ay magiging sa kaniya'y pinakahuli. 10 Sapagka't itinitig ko ang mukha ko sa bayang ito sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti, sabi ng Panginoon: ito'y ibibigay sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang susunugin sa apoy.