15 Inyong dinggin, at kayo'y mangakinig; Huwag kayong mangagpalalo; sapagka't sinalita ng Panginoon. 16 Luwalhatiin ninyo ang Panginoon ninyong Dios, bago siya magpadilim, at bago matisod ang inyong mga paa sa mga madilim na bundok, at, habang kayo'y nangaghihintay ng liwanag, ay kaniyang gagawing lilim ng kamatayan, at papagsasalimuutin niya ang kadiliman. 17 Nguni't kung hindi ninyo didinggin, ako'y iiyak, na lihim dahil sa inyong kapalaluan; at ang mata ko ay iiyak na mainam, at dadaluyan ng mga luha, sapagka't ang kawan ng Panginoon ay nabihag.
18 Iyong sabihin sa hari at sa ina ng hari, Kayo'y mangagpapakababa, magsiupo kayo; sapagka't ang inyong mga kagayakan ng ulo ay nalagpak, ang putong ng inyong kaluwalhatian. 19 Ang mga bayan ng Timugan ay nasarhan, at walang mangagbukas: ang buong Juda ay nadalang bihag; buong nadalang bihag.
20 Inyong itanaw ang inyong mga mata, at inyong masdan sila na nanganggagaling sa hilagaan: saan nandoon ang kawan na nabigay sa iyo, ang iyong magandang kawan? 21 Ano ang iyong sasabihin pagka kaniyang inilagay ang iyong mga kaibigan na pinakapangulo mo, na wari iyong tinuruan sila laban sa iyo? hindi baga mamamanglaw ka, ng parang isang babae na nagdaramdam? 22 At kung iyong sabihin sa puso, Bakit ang mga bagay na ito ay dumating sa akin? dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan ay nalilis ang iyong mga laylayan, at iyong mga sakong ay nagtiis ng karahasan. 23 Makapagbabago baga ang Etiope ng kaniyang balat, o ang leopardo ng kaniyang batik? kung magkagayo'y mangakagagawa naman kayo ng mabuti, na mga bihasang gumawa ng masama. 24 Kaya't aking pangangalatin sila, gaya ng dayami na dumaraan, sa pamamagitan ng hangin sa ilang. 25 Ito ang iyong kapalaran, ang bahaging sukat sa iyo na mula sa akin, sabi ng Panginoon; sapagka't iyong nilimot ako, at tumiwala ka sa kabulaanan. 26 Kaya't akin namang ililihis ang iyong mga laylayan sa harap ng iyong mukha, at ang iyong kahihiyan ay malilitaw. 27 Aking nakita ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa, sa makatuwid baga'y ang iyong mga pangangalunya, at ang iyong mga paghalinghing, ang kahalayan ng iyong pakikiapid, sa mga burol sa parang. Sa aba mo, Oh Jerusalem! ikaw ay hindi malilinis; hanggang kailan pa magkakaganyan?