The Lord Proclaims Judgment

Jeremiah 5

14 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, Sapagka't inyong sinalita ang salitang ito, narito, gagawin ko na ang aking mga salita sa inyong bibig ay maging apoy, at ang bayang ito ay kahoy, at sila'y pupugnawin niyaon. 15 Narito, dadalhin ko ang bansa sa inyo na mula sa malayo, Oh sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoon: siyang makapangyarihang bansa, siyang matandang bansa, isang bansa na ang wika ay hindi mo naiintindihan, o nababatid mo man kung ano ang kanilang sinasabi. 16 Ang kanilang lalagyan ng pana ay bukas na libingan, silang lahat ay makapangyarihang lalake. 17 At kakanin nila ang iyong ani, at ang iyong tinapay, na dapat sanang kanin ng iyong mga anak na lalake at babae; kanilang kakanin ang iyong mga kawan at ang iyong mga bakahan; kanilang kakanin ang iyong mga puno ng ubas at ang iyong mga puno ng igos; kanilang ibabagsak ang iyong mga bayan na nababakuran, na iyong tinitiwalaan, sa pamamagitan ng tabak.

18 Nguni't sa mga araw mang yaon, sabi ng Panginoon, hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa inyo. 19 At mangyayari, pagka inyong sasabihin, Bakit ginawa ng Panginoon nating Dios ang lahat ng mga bagay na ito sa atin? kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, Kung paanong inyong pinabayaan ako, at nangaglingkod kayo sa mga ibang dios sa inyong lupain, gayon kayo mangaglingkod sa mga taga ibang lupa sa isang lupain na hindi inyo.

20 Inyong ipahayag ito sa sangbahayan ni Jacob, at inyong ibalita sa Juda na inyong sabihin, 21 Inyong dinggin ngayon ito, Oh hangal na bayan, at walang unawa; na may mga mata, at hindi nakakakita; na may mga pakinig, at hindi nakakarinig: 22 Hindi kayo nangatatakot sa akin? sabi ng Panginoon: hindi baga kayo manginginig sa aking harapan, na naglagay ng buhangin na pinakahangganan ng dagat, sa pamamagitan ng pinakawalang hanggang pasiya, upang huwag makalampas? at bagaman maginalon ang kaniyang mga alon, hindi rin mananaig; bagaman ang mga ito'y nagsisihugong, hindi rin ang mga ito'y makaraan. 23 Nguni't ang bayang ito ay may magulo at mapanghimagsik na puso; sila'y nanghimagsik at nagsiyaon. 24 Hindi man nila sinasabi sa sarili, Mangatakot tayo ngayon sa Panginoon nating Dios, na naglalagpak ng ulan, ng maaga at gayon din ng huli, sa kaniyang kapanahunan; na itinataan sa atin ang mga takdang sanglinggo ng mga pagaani. 25 Ang inyong mga kasamaan ang nangaghiwalay ng mga bagay na ito, at ang inyong mga kasalanan ang nagsipigil sa inyo ng kabutihan. 26 Sapagka't sa gitna ng aking bayan ay nakakasumpong ng mga masamang tao: sila'y nagbabantay, gaya ng pagbabantay ng mga mamimitag; sila'y nangaglalagay ng silo, sila'y nanghuhuli ng mga tao. 27 Kung paanong ang kulungan ay puno ng mga ibon, gayon ang kanilang mga bahay ay puno ng karayaan: kaya't sila'y naging dakila, at nagsisiyaman. 28 Sila'y nagsisitaba, sila'y makintab: oo, sila'y nagsisihigit sa mga paggawa ng kasamaan; hindi nila ipinakikipaglaban ang usap, ang usap ng ulila, upang sila'y guminhawa; at ang matuwid ng mapagkailangan ay hindi hinahatulan. 29 Hindi baga dadalaw ako dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon; hindi baga manghihiganti ang aking kalooban sa ganiyang bansa na gaya nito?

30 Isang kamanghamangha at kakilakilabot na bagay ay nangyayari sa lupain: 31 Ang mga propeta ay nanganghuhula ng kasinungalingan, at ang mga saserdote ay nangagpupuno sa pamamagitan ng kanilang mga kamay; at iniibig ng aking bayan na magkagayon: at ano ang inyong gagawin sa wakas niyaon?

Next Book Next Book