5 Ipahayag ninyo sa Juda, at ibalita ninyo sa Jerusalem; at inyong sabihin, Inyong hipan ang pakakak sa lupain: magsihiyaw kayo ng malakas, at inyong sabihin, Magpisan kayo, at tayo'y magsipasok sa mga bayang nakukutaan. 6 Kayo'y mangagtaas ng watawat sa dako ng Sion: kayo'y magsitakas sa ikatitiwasay, huwag kayong magsitigil: sapagka't ako'y magdadala ng kasamaan mula sa hilagaan, at ng malaking paglipol. 7 Ang isang leon ay sumampa mula sa kaniyang kagubatan, at ang manglilipol ng mga bansa; siya'y nasa kaniyang paglalakad, siya'y lumabas mula sa kaniyang dako, upang sirain ang iyong lupain, upang ang iyong mga bayan ay mangalagay na sira na walang mananahan. 8 Dahil dito ay mangagbigkis kayo ng kayong magaspang, kayo'y magsipanaghoy at magsipanangis; sapagka't ang mabangis na galit ng Panginoon ay hindi humihiwalay sa atin.
9 At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, na ang puso ng hari ay mapapahamak, at ang puso ng mga prinsipe: at ang mga saserdote ay mangatitigilan, at ang mga propeta ay mangamamangha. 10 Nang magkagayo'y sinabi ko, Ah Panginoong Dios: tunay na iyong dinayang lubha ang bayang ito at ang Jerusalem, na iyong sinabi, Kayo'y mangagkakaroon ng kapayapaan: gayon man ang tabak ay tumatalab sa buhay.
11 Sa panahong yaon ay sasabihin sa bayang ito at sa Jerusalem, Isang mainit na hangin na mula sa mga luwal na kaitaasan sa ilang ay dumating sa anak ng aking bayan, hindi upang sumimoy, o maglinis man: 12 Isang malakas na hangin na mula sa mga ito ay darating sa akin: ngayo'y magsasalita naman ako ng mga kahatulan laban sa kanila.
13 Narito, siya'y sasagupang parang mga ulap, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo ang kaniyang mga kabayo ay lalong matulin kay sa mga aguila. Sa aba natin! sapagka't tayo'y nangapahamak. 14 Oh Jerusalem, hugasan mo ang iyong puso sa kasamaan, upang ikaw ay maligtas. Hanggang kailan titigil sa loob mo ang iyong mga masamang pagiisip? 15 Sapagka't isang tinig ay nagpapahayag mula sa Dan, at nagbabalita ng kasamaan, mula sa mga burol ng Ephraim. 16 Inyong banggitin sa mga bansa: narito, inyong ibalita laban sa Jerusalem, na ang mga bantay ay nanggagaling sa malayong lupain, at inihihiyaw nila ang kanilang tinig laban sa mga bayan ng Juda. 17 Sila'y gaya ng mga bantay sa parang, laban sa kaniya sa palibot, sapagka't siya'y naging mapanghimagsik laban sa akin, sabi ng Panginoon. 18 Ang iyong lakad at ang iyong mga gawa ay nagsikap ng mga bagay na ito sa iyo: ito ang iyong kasamaan; sapagka't napakasama, sapagka't tinataglay ng iyong puso.