Prayer for Mercy

Isaiah 63

15 Tumungo ka mula sa langit, at tumingin ka, mula sa tahanan ng iyong kabanalan at ng iyong kaluwalhatian: saan nandoon ang iyong sikap at ang iyong mga makapangyarihang gawa? ang iyong pagmamagandang-loob at ang iyong mga habag ay iniurong mo sa akin. 16 Sapagka't ikaw ay aming Ama, bagaman hindi kami kinilala ni Abraham, at hindi kami kilala ng Israel: ikaw, Oh Panginoon, ay aming Ama, aming Manunubos na mula sa walang pasimula ay siya mong pangalan. 17 Oh Panginoon; bakit mo kami iniligaw na inihiwalay sa iyong mga daan, at pinapagmatigas mo ang aming puso na inihiwalay sa takot sa iyo? Ikaw ay magbalik dahil sa iyong mga lingkod, na mga lipi ng iyong mana. 18 Inaring sangdali lamang ng iyong banal na bayan: niyapakan ng aming mga kaaway ang iyong santuario. 19 Kami ay naging gaya ng hindi mga pinagpunuan kailan man, gaya ng hindi nangatawag sa iyong pangalan.

Isaiah 64

1 Oh buksan mo sana ang langit, na ikaw ay bumaba, na ang mga bundok ay gumuho sa iyong harapan. 2 Gaya ng kung nililiyaban ng apoy ang siitan, at ng kung pinakukulo ng apoy ang tubig; upang ipakilala ang iyong pangalan sa iyong mga kaaway, upang ang mga bansa ay manginig sa iyong harapan! 3 Nang ikaw ay gumawa ng mga kakilakilabot na bagay na hindi namin hinihintay, ikaw ay bumaba, ang mga bundok ay gumuho sa iyong harapan. 4 Sapagka't hindi narinig ng mga tao mula nang una, o naulinigan man ng pakinig, o ang mata ay nakakita man ng Dios liban sa iyo, na iginagawa niya ng kabutihan ang naghihintay sa kaniya. 5 Iyong sinasalubong siya na nagagalak at gumagawa ng katuwiran, yaong nagsialaala sa iyo sa iyong mga daan: narito, ikaw ay napoot, at kami ay nagkasala: napasa kanila kaming malaong panahon; at maliligtas baga kami? 6 Sapagka't kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi: at nalalantang gaya ng dahon kaming lahat; at tinatangay kami ng aming mga kasamaan, na parang hangin. 7 At walang tumatawag ng iyong pangalan, na gumigising upang manghawak sa iyo; sapagka't ikinubli mo ang iyong mukha sa amin, at iyong pinugnaw kami sa aming mga kasamaan.

8 Nguni't ngayon, Oh Panginoon, ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay. 9 Huwag kang lubhang mapoot, Oh Panginoon, o umalaala man ng kasamaan ng magpakailan man: narito, tingnan mo, isinasamo namin sa iyo, kaming lahat ay iyong bayan. 10 Ang iyong mga bayang banal ay naging ilang, ang Sion ay naging giba, ang Jerusalem ay sira. 11 Ang aming banal at magandang bahay, na pinagpupurihan sa iyo ng aming mga magulang ay nasunog sa apoy; at lahat naming maligayang bagay ay nasira. 12 Magpipigil ka baga sa mga bagay na ito, Oh Panginoon? ikaw baga'y tatahimik, at pagdadalamhatiin mo kaming mainam?

Next Book Next Book