The Lord, the Only Savior

Isaiah 45

14 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang yari ng Egipto, at ang kalakal ng Etiopia, at ang mga Sabeo, sa mga taong matatangkad, ay magsisiparito sa iyo, at sila'y magiging iyo; sila'y magsisisunod sa iyo, sila'y magsisidaang may tanikala; at sila'y mangagpapatirapa sa iyo, sila'y magsisipamanhik sa iyo, na mangagsasabi, Tunay na ang Dios ay nasa iyo; at walang ibang Dios.

15 Katotohanang ikaw ay Dios na nagkukubli, Oh Dios ng Israel, na Tagapagligtas. 16 Sila'y mangapapahiya, oo, mangalilito silang lahat; sila'y magsisipasok sa pagkalito na magkakasama na mga manggagawa ng mga diosdiosan. 17 Nguni't ang Israel ay ililigtas ng Panginoon ng walang hanggang kaligtasan: kayo'y hindi mangapapahiya o mangalilito man magpakailan man.

18 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon na lumikha ng langit, na siyang Dios na nag-anyo sa lupa at gumawa niyaon, na kaniyang itinatag, at hindi niya nilikha na sira, na kaniyang inanyuan upang tahanan: ako ang Panginoon; at wala nang iba. 19 Ako'y hindi nagsalita ng lihim, sa dako ng lupain ng kadiliman; hindi ako nagsabi sa lahi ni Jacob, Hanapin ninyo ako ng walang kabuluhan: akong Panginoon ay nagsasalita ng katuwiran, ako'y nagpapahayag ng mga bagay na matuwid.

20 Kayo'y mangagpipisan at magsiparito; magsilapit kayong magkakasama, kayong mga nakatanan sa mga bansa: sila'y walang kaalaman na nangagdadala ng kahoy ng kanilang larawang inanyuan, at nagsisidalangin sa dios na hindi makapagliligtas. 21 Kayo'y mangagpahayag, at mangagpasapit; oo, magsanggunian silang magkakasama: sinong nagpakilala nito mula nang mga unang panahon? sinong nagpahayag niyaon nang una? hindi baga ang Panginoon? at walang Dios liban sa akin: isang ganap na Dios at Tagapagligtas; walang iba liban sa akin.

22 Kayo'y magsitingin sa akin, at kayo'y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin. 23 Ako'y sumumpa ng aking sarili, ang salita ay nakabitaw sa aking bibig sa katuwiran, at hindi babalik, na sa akin ay luluhod ang bawa't tuhod, bawa't dila ay susumpa.

24 Sa Panginoon lamang, sasabihin ng isa tungkol sa akin, ang katuwiran at kalakasan: sa makatuwid baga'y sa kaniya magsisiparoon ang mga tao, at ang lahat na nagiinit laban sa kaniya ay mangapapahiya. 25 Sa Panginoon ay aariing ganap ang buong lahi ng Israel, at luluwalhati.

Next Book Next Book