9 Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Sion, sumampa ka sa mataas na bundok; Oh ikaw na nagsasabi ng mga mabuting balita sa Jerusalem, ilakas mo ang iyong tinig na may kalakasan; ilakas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa mga bayan ng Juda, Tingnan ang inyong Dios! 10 Narito, ang Panginoong Dios ay darating na gaya ng makapangyarihan, at ang kaniyang kamay ay magpupuno sa ganang kaniya: Narito, ang kaniyang ganting pala ay dala niya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya. 11 Kaniyang papastulin ang kaniyang kawan, na gaya ng pastor, kaniyang pipisanin ang mga kordero sa kaniyang kamay, at dadalhin sila sa kaniyang sinapupunan, at papatnubayan na marahan yaong mga nagpapasuso.
12 Sino ang tumakal ng tubig sa palad ng kaniyang kamay, at sumukat sa langit ng dangkal, at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang takal, at tumimbang ng mga bundok sa mga panimbang, at ng mga burol sa timbangan? 13 Sinong pumatnubay ng Espiritu ng Panginoon, o parang kaniyang kasangguni ay nagturo sa kaniya? 14 Kanino siya kumuhang payo, at sinong nagsaysay sa kaniya, at nagturo sa kaniya sa landas ng kahatulan, at nagturo sa kaniya ng kaalaman, at nagpakilala sa kaniya ng daan ng unawa? 15 Narito, ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba, inaari na parang munting alabok sa timbangan: narito, kaniyang itinataas ang mga pulo na parang napakaliit na bagay. 16 At ang Libano ay hindi sukat upang sunugin, ni ang mga hayop niyaon ay sukat na pinakahandog na susunugin. 17 Lahat ng mga bansa ay parang walang anoman sa harap niya; nangabilang sa kaniya na kulang kay sa wala, at walang kabuluhan.
18 Kanino nga ninyo itutulad ang Dios? o anong wangis ang iwawangis ninyo sa kaniya? 19 Ang larawang inanyuan na binubo ng mangbububo, at binabalot ng ginto ng platero, at binubuan ng mga pilak na kuwintas. 20 Siyang napakadukha sa gayong alay ay pumipili ng isang punong kahoy na hindi malalapok; siya'y humahanap sa ganang kaniya ng isang bihasang manggagawa upang ihandang larawang inanyuan, na hindi makikilos.
21 Hindi ba ninyo naalaman? hindi ba ninyo narinig? hindi ba nasaysay sa inyo mula ng una? hindi ba nasaysay sa inyo bago nalagay ang mga patibayan ng lupa? 22 Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa, at ang mga nananahan doon ay parang mga balang; siyang naglaladlad ng langit na parang tabing, at inilaladlad na parang tolda upang tahanan; 23 Na iniuuwi sa wala ang mga pangulo; siyang umaaring tila walang kabuluhan sa mga hukom sa lupa.
24 Oo, sila'y hindi nangatanim; oo, sila'y hindi nangahasik; oo, ang kanilang puno ay hindi nagugat sa lupa: bukod dito'y humihihip siya sa kanila, at sila'y nangatutuyo, at tinatangay sila ng ipoipo na gaya ng dayami.
25 Kanino nga ninyo itutulad ako, upang makaparis ako niya? sabi ng Banal. 26 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas, at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito, na tinutuos ang kanilang hukbo ayon sa bilang; tinatawag niya sila sa pangalan; sa pamamagitan ng kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan, at dahil sa siya'y malakas sa kapangyarihan ay walang nagkukulang.
27 Bakit sinasabi mo, Oh Jacob, at sinasalita mo, Oh Israel, Ang daan ko ay lingid sa Panginoon, at nilalagpasan ng aking Dios ang kahatulan ko? 28 Hindi mo baga naalaman? hindi mo baga narinig? ang walang hanggang Dios, ang Panginoon, ang Maylalang ng mga wakas ng lupa, hindi nanlalata, o napapagod man; walang makatarok ng kaniyang unawa. 29 Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana niya sa kalakasan. 30 Pati ng mga kabinataan ay manlalata at mapapagod, at ang mga binata ay lubos na mangabubuwal: 31 Nguni't silang nangaghihintay sa Panginoon ay mangagbabagong lakas; sila'y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga aguila; sila'y magsisitakbo, at hindi mangapapagod; sila'y magsisilakad, at hindi manganghihina.