21 Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Ezechias, na nagsasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang ikaw ay dumalangin sa akin laban kay Sennacherib na hari sa Asiria.
22 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa kaniya: Hinamak ka ng anak na dalaga ng Sion, at tinawanan kang mainam; iginalaw ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo sa iyo.
23 Sino ang iyong pinulaan at tinungayaw? at laban kanino itinaas mo ang iyong tinig at ipinandilat mo ang iyong mga mata ng mataas? laban nga sa Banal ng Israel. 24 Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay iyong pinulaan ang Panginoon, at nagsabi ka, Sa karamihan ng aking mga karo ay nakaahon ako sa kataasan ng mga bundok, sa mga kaloobloobang bahagi ng Libano; at aking puputulin ang mga matayog na cedro niyaon, at ang mga piling puno ng abeto niyaon: at ako'y papasok sa pinakataluktok na kataasan, ng gubat ng kaniyang mabuting bukid. 25 Ako'y humukay at uminom ng tubig, at aking tutuyuin ng talampakan ng aking mga paa ang lahat ng mga ilog ng Egipto.
26 Hindi mo baga nabalitaan kung paanong aking ginawa na malaon na, at aking pinanukala ng una? ngayo'y aking pinapangyari, upang iyong sirain ang mga bayang nakukutaan na magiging mga guhong bunton. 27 Kaya't ang kanilang mga mananahan ay may munting kapangyarihan, sila'y nanganglupaypay at nangatulig; sila'y parang damo sa bukid, at sariwang gugulayin, parang damo sa mga bubungan, at parang bukid ng trigo bago tumaas.
28 Nguni't talastas ko ang iyong pagupo, at ang iyong paglabas, at ang iyong pagpasok, at ang iyong galit laban sa akin. 29 Dahil sa iyong galit laban sa akin, at dahil sa iyong kapalaluan ay nanuot sa aking mga pakinig, kaya't ilalagay ko ang aking taga ng bingwit sa iyong ilong, at ang aking paningkaw sa iyong mga labi, at pababalikin kita sa daan na iyong pinanggalingan.
30 At ito ang magiging tanda sa iyo: kayo'y magsisikain sa taong ito ng tumutubo sa kaniyang sarili, at sa ikalawang taon ay ng tumubo doon; at sa ikatlong taon ay kayo'y mangaghasik, at magsiani, at mangagtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyaon. 31 At ang nalabi na nakatanan sa sangbahayan ni Juda ay maguugat uli sa ilalim, at magbubunga sa itaas. 32 Sapagka't sa Jerusalem ay lalabas ang nalabi, at mula sa bundok ng Sion ay silang magtatanan. Isasagawa ito ng sikap ng Panginoon ng mga hukbo.
33 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari sa Asiria, Siya'y hindi paririto sa bayang ito o magpapahilagpos man ng pana diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, o mahahagis ang bunton laban diyan. 34 Sa daan na kaniyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paririto sa bayang ito, sabi ng Panginoon. 35 Sapagka't aking ipagsasanggalang ang bayang ito upang iligtas, dahil sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David.
36 At ang anghel ng Panginoon ay lumabas, at nanakit sa kampamento ng mga taga Asiria nang isang daan at walongpu't limang libo: at nang ang mga tao ay magsibangong maaga sa kinaumagahan, narito, ang lahat ay mga katawang bangkay. 37 Sa gayo'y umalis si Sennacherib na hari sa Asiria, at yumaon at umuwi, at tumahan sa Ninive, 38 At nangyari, nang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroch na kaniyang dios, na sinugatan siya ng tabak ni Adremelech at ni Sarezer na kaniyang mga anak at sila'y nagtanan sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.