1 At nangyari, nang marinig ng haring Ezechias ay hinapak niya ang kaniyang mga suot, at nagbalot ng kayong magaspang, at pumasok sa bahay ng Panginoon. 2 At kaniyang sinugo si Eliacim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang mga matanda sa mga saserdote, na may balot na kayong magaspang, kay Isaias na propeta na anak ni Amoz. 3 At sinabi nila sa kaniya, Ganito ang sabi ni Ezechias, Ang araw na ito ay kaarawan ng kabagabagan, at ng pagsaway, at ng paghamak: sapagka't ang mga anak ay dumating sa kapanganakan, at walang kalakasang ipanganak. 4 Marahil ay pakikinggan ng Panginoon mong Dios ang mga salita ni Rabsaces, na siyang sinugo ng kaniyang panginoon na hari sa Asiria upang tungayawin ang buhay na Dios, at sansalain ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Dios: kaya't ilakas mo ang iyong dalangin dahil sa nalabi na naiwan.
5 Sa gayo'y ang mga lingkod ng haring Ezechias ay naparoon kay Isaias. 6 At sinabi ni Isaias sa kanila, Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ipinanungayaw sa akin ng mga lingkod ng hari sa Asiria. 7 Narito, ako'y maglalagay ng espiritu sa kaniya, at siya'y makakarinig ng kaingay, at babalik sa kaniyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kaniyang sariling lupain.
8 Sa gayo'y bumalik si Rabsaces, at nasumpungan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagka't nabalitaan niya na kaniyang nilisan ang Lachis. 9 At kaniyang narinig na sinabi tungkol kay Tirhakah na hari sa Etiopia, Siya'y lumabas upang makipaglaban sa iyo. At nang kaniyang marinig, siya'y nagsugo ng mga sugo kay Ezechias, na sinasabi, 10 Ganito ang inyong sasalitain kay Ezechias na hari sa Juda, na sasabihin, Huwag kang padaya sa iyong Dios na iyong tinitiwalaan, na sabihin, Ang Jerusalem ay hindi mapapasa kamay ng hari sa Asiria. 11 Narito nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari sa Asiria sa lahat ng lupain, na yao'y sinira ng lubos: at maliligtas ka baga? 12 Iniligtas baga sila ng mga dios ng mga bansa, na siyang nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran; at ng Rezeph, at ng mga anak ni Eden, na nangasa Thelasar? 13 Saan nandoon ang hari sa Hamath, at ang hari sa Arphad, at ang hari ng bayan ng Sepharvaim, ng Henah, at ng Hivah?