9 Kayo'y magsibangon, kayong mga babaing tiwasay, at dinggin ninyo ang tinig ko; ninyong mga walang bahalang anak na babae, pakinggan ninyo ang aking pananalita. 10 Sapagka't sa mga araw na sa dako pa roon ng isang taon ay mangababagabag kayo, kayong mga walang bahalang babae: sapagka't ang ani ng ubas ay magkukulang, ang pagaani ay hindi darating. 11 Kayo'y magsipanginig, kayong mga babaing tiwasay; kayo'y mangabagabag, kayong mga walang bahala; kayo'y magsipaghubo, at kayo'y magsipaghubad, at mangagbigkis kayo ng kayong magaspang sa inyong mga balakang. 12 Sila'y magsisidagok sa mga dibdib dahil sa mga maligayang parang, dahil sa mabungang puno ng ubas. 13 Sa lupain ng aking bayan ay tutubo ang mga tinik at mga dawag; oo, sa lahat na bahay na kagalakan sa masayang bayan: 14 Sapagka't ang bahay-hari ay mapapabayaan; ang mataong bayan ay magiging ilang; ang burol at ang bantayang moog ay magiging mga pinaka yungib magpakailan man, kagalakan ng mga mailap na asno, pastulan ng mga kawan; 15 Hanggang sa mabuhos sa atin ang Espiritu na mula sa itaas, at ang ilang ay maging mabungang bukid, at ang mabungang bukid ay mabilang na pinakagubat. 16 Kung magkagayo'y tatahan ang kahatulan sa ilang, at ang katuwiran ay titira sa mabungang bukid. 17 At ang gawain ng katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katuwiran ay katahimikan at pagkakatiwala kailan man. 18 At ang bayan ko ay tatahan sa payapang tahanan, at sa mga tiwasay na tahanan, at sa mga tahimik na dako na pahingahan. 19 Nguni't lalagpak ang granizo, sa ikasisira ng gubat; at ang bayan ay lubos na mawawasak. 20 Mapapalad kayo na nangaghahasik sa siping ng lahat na tubig, na nangagpapalakad ng mga paa ng baka at ng asno.