18 At dahil dito maghihintay ang Panginoon, upang siya'y maging mapagbiyaya sa inyo, at kaya't mabubunyi siya, na siya'y magdadalang habag sa inyo: sapagka't ang Panginoon ay Dios ng kahatulan; mapapalad yaong lahat na nangaghihintay sa kaniya.
19 Sapagka't ang bayan ay tatahan sa Sion sa Jerusalem: ikaw ay hindi na iiyak pa; siya'y tunay na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; pagka kaniyang maririnig, sasagutin ka niya. 20 At bagaman bigyan kayo ng Panginoon ng tinapay ng kasakunaan at ng tubig ng kadalamhatian, gayon may hindi na makukubli pa ang iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo: 21 At ang iyong mga pakinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, Ito ang daan, lakaran ninyo; pagka kayo'y pumipihit sa kanan, at pagka kayo'y pumipihit sa kaliwa. 22 At inyong lalapastanganin ang mga panakip ng inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang pangbalot sa inyong mga larawang ginto na binubo: iyong ipaghahagis na gaya ng maruming bagay: iyong sasabihin, Humayo ka.
23 At Siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi, na iyong hahasikan ang lupa; at ng pagkaing bunga ng lupa, at magiging mataba at sagana. Sa araw na yaon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan. 24 Ang mga baka at gayon din ang mga guyang asno na bumubukid ng lupa ay magsisikain ng may lasang pagkain, na pinahanginan ng pala at hunkoy. 25 At magkakaroon ng mga ilog at mga balon ng tubig sa lahat na mataas na bundok, at sa lahat na matayog na burol, sa araw ng malaking patayan, pagka ang mga moog ay nabubuwal. 26 Bukod dito'y ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magpipito, na gaya ng liwanag ng pitong araw, sa araw na talian ng Panginoon ang sugat ng kaniyang bayan, at pagalingin ang bugbog na kanilang sugat.
27 Narito, ang pangalan ng Panginoon ay magmumula sa malayo, na nagniningas ng kaniyang galit, at nasa umiilanglang na salimuot na usok: ang kaniyang mga labi ay puno ng pagkagalit, at ang kaniyang dila ay gaya ng mamumugnaw na apoy: 28 At ang kaniyang hinga ay gaya ng umaapaw na ilog, na umaabot hanggang sa leeg, upang igigin ang mga bansa ng pangigig na pangsira; at isang paningkaw na nakapagpapaligaw ay malalagay sa mga panga ng mga bayan.
29 Kayo'y mangagkakaroon ng awit na gaya ng sa gabi pagka ang banal na kapistahan ay ipinagdidiwang; at kasayahan ng puso, na gaya ng yumayaon na may plauta upang masok sa bundok ng Panginoon, sa malaking Bato ng Israel. 30 At iparirinig ng Panginoon ang kaniyang maluwalhating tinig, at ipakikilala ang pagbabaka ng kaniyang bisig, na may pagkagalit ng kaniyang galit, at ng liyab ng mamumugnaw na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo, 31 Sapagka't sa pamamagitan ng tinig ng Panginoon ay mangagkakawatakwatak ang taga Asiria, na nananakit ng pamalo. 32 At bawa't hampas ng takdang tungkod, na ibabagsak ng Panginoon sa kaniya, mangyayaring may mga pandereta at may mga alpa; at sa mga pakikipagbakang may pagkayanig ay makikipaglaban siya sa kanila, 33 Sapagka't ang Topheth ay handa nang malaon; oo, sa ganang hari ay inihanda; kaniyang pinalalim at pinalaki: ang bunton niyaon ay apoy at maraming kahoy: ang hinga ng Panginoon na gaya ng bugso ng azufre, ay nagpapaningas ng apoy.