A Cornerstone in Zion

Isaiah 28

14 Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga mangduduwahaging tao, na nangagpupuno sa bayang ito na nasa Jerusalem: 15 Sapagka't inyong sinabi, Tayo'y nakipagtipan sa kamatayan, at sa Sheol ay nakipagkasundo tayo; pagka ang mahigpit na kasakunaan ay dumaan, hindi darating sa atin; sapagka't ating ginawang pinakakanlungan natin ang mga kabulaanan, at sa ilalim ng kasinungalingan ay nangagkubli tayo, 16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking inilalagay sa Sion na pinakapatibayan ang isang bato, isang batong subok, isang mahalagang batong panulok na may matibay na patibayan: ang naniniwala ay hindi magmamadali. 17 At aking ilalagay na pinakapising panukat ang katuwiran, at pinakapabato ang kabanalan: at papalisin ng granizo ang kanlungan ng mga kabulaanan, at aapawan ng tubig ang taguang dako. 18 At ang inyong tipan sa kamatayan ay mawawalan ng kabuluhan, at ang iyong pakikipagkasundo sa Sheol ay hindi mamamalagi; pagka ang mahigpit na kasakunaan ay daraan, kayo nga'y ipapahamak niyaon. 19 Sa tuwing dadaan, tatangayin kayo; sapagka't tuwing umaga ay daraan, sa araw at sa gabi: at mangyayari na ang balita ay magiging kakilakilabot na matalastas. 20 Sapagka't ang higaan ay lalong maikli na hindi maunatan ng tao; at ang kumot ay lalong makitid na hindi makabalot sa kaniya. 21 Sapagka't ang Panginoon ay babangon na gaya sa bundok ng Perasim, siya'y napopoot na gaya sa libis ng Gabaon; upang kaniyang magawa ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain, at papangyarihin ang kaniyang gawain, ang kaniyang kakaibang gawain. 22 Huwag nga kayong mapagtuya, baka ang mga panali sa inyo ay magsitibay: sapagka't ang paglipol na ipinasiya, narinig ko sa Panginoon, sa Panginoon ng mga hukbo, sa buong lupa.

23 Pakinggan ninyo, at dinggin ninyo ang aking tinig, inyong dinggin, at pakinggan ang aking pananalita. 24 Nag-aararo bagang lagi ang mang-aararo upang maghasik? Kaniya bagang laging binubungkal at dinudurog ang kaniyang lupa. 25 Pagka kaniyang napatag ang ibabaw niyaon hindi ba niya binibinhian ng eneldo, at ikinakalat ang binhing comino, at inihahanay ang trigo, at ang cebada sa takdang dako, at ang espelta sa hangganan niyaon? 26 Sapagka't itinuturong matuwid sa kaniya ng kaniyang Dios, at itinuturo sa kaniya:

27 Sapagka't ang eneldo ay hindi ginigiik ng panggiik na matalas, o ang gulong man ng karo ay gugulong sa comino; kundi ang eneldo ay hinahampas ng tungkod, at ang comino ay ng pamalo. 28 Ang trigong ginagawang tinapay ay ginigiling; sapagka't hindi laging magigiik: at bagaman pangalatin yaon ng gulong ng kaniyang karo at ng kaniyang mga kabayo, hindi niya ginigiling. 29 Gayon ma'y ito'y mula rin sa Panginoon ng mga hukbo, na kamanghamangha sa payo, at marilag sa karunungan.

Next Book Next Book