1 Ang hula tungkol sa Egipto. Narito, ang Panginoon ay nakasakay sa isang matuling alapaap, at napasasa Egipto: at ang mga diosdiosan ng Egipto ay makikilos sa kaniyang harapan, at ang puso ng Egipto ay manglulumo sa gitna niyaon. 2 At aking hihikayatin ang mga Egipcio laban sa mga Egipcio: at lalaban bawa't isa sa kanikaniyang kapatid, at bawa't isa laban sa kaniyang kapuwa; bayan laban sa bayan, at kaharian laban sa kaharian. 3 At ang diwa ng Egipto ay mauupos sa gitna niyaon; at aking sisirain ang payo niyaon: at sasangguni sila sa mga diosdiosan, at sa mga enkantador, at sa mga nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, at sa mga manghuhula. 4 At aking ibibigay ang mga Egipcio sa kamay ng mabagsik na panginoon; at mabangis na hari ay magpupuno sa kanila, sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo.
5 At magkukulang ng tubig sa mga dagat, at ang ilog ay mawawalan ng tubig at matutuyo. 6 At ang mga ilog ay babaho; ang mga batis ng Egipto ay huhupa at matutuyo: ang mga tambo at mga talahib ay mangatutuyo. 7 Ang mga parang sa pangpang ng Nilo, sa baybayin ng Nilo, at lahat na nahasik sa tabi ng Nilo, mangatutuyo, mangatatangay, at mangawawala. 8 Ang mga mangingisda naman ay magsisitaghoy, at lahat ng nangaglalawit ng bingwit sa Nilo ay tatangis, at silang nangaglaladlad ng mga lambat sa mga tubig ay manganglalata. 9 Bukod dito'y silang nagsisigawa sa mga lino, at silang nagsisihabi ng puting damit ay mangapapahiya. 10 At ang kaniyang mga haligi ay magkakaputolputol, silang lahat na nangagpapaupa ay nangagdadalamhati ang kalooban.
11 Ang mga pangulo sa Zoan ay lubos na mangmang; ang payo ng mga pinakapantas at kasangguni ni Faraon ay naging tampalasan: paanong masasabi ninyo kay Faraon, Ako'y anak ng pantas, anak ng mga dating hari? 12 Saan nangaroon nga ang iyong mga pantas? at sasabihin nila sa iyo ngayon; at alamin nila kung ano ang pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa Egipto. 13 Ang mga pangulo sa Zoan ay naging mga mangmang, ang mga pangulo sa Nof ay nangadaya; kanilang iniligaw ang Egipto, na siyang panulok na bato ng kaniyang mga lipi. 14 Naghalo ang Panginoon ng diwa ng kasuwailan sa gitna niya: at iniligaw nila ang Egipto sa bawa't gawa niya, na parang langong tao na nahahapay sa kaniyang suka. 15 Hindi na magkakaroon man sa Egipto ng anomang gawain, na magagawa ng ulo o ng buntot, sanga ng palma, o tambo.